Nasugatan sa pamamaril ng hindi nakilalang mga indibidwal ang lider kontra-mina na si Jesus Cabias Jr sa Barangay Liwayway, MacArthur, Leyte noong Nobyembre 6, alas-8 ng gabi. Binaril si Cabias Jr sa loob ng kanyang bahay sa naturang barangay.
Si Cabias ay tagapagsalita ng grupo ng mga magsasaka sa MacArthur na tumutuligsa sa black sand mining sa kanilang bayan. Noong Pebrero, nagtayo ng barikada ang grupo upang pigilan ang pagpasok ng dredger na magsasagawa na sana ng magnetite extraction sa lugar.
Ang dredger na MV Li Long ay dumaong sa Leyte noong Enero para tumungo sa minahan ng MacArthur Iron Projects Corporation. Malakas itong tinutulan ng mga residente at inilantad ang naging pinsala ng ilang taong pagmimina sa kanilang lugar. Sa kanilang pagsisikap, kabilang ang paghahain ng petisyon na may pirma ng 1,000 residente kay Ferdinand Marcos Jr, napalayas ang dredger noong Agosto.
Ang MacArthur Iron Projects Corporation ay kontraktor ng Strong Built Mining Development Corp (SBMDC), kumpanyang pagmamay-ari ni Leyte 1st district representative Martin Romualdez na pinsang buo ni Marcos. Ang SBMDC ay pinahintulutan ng Mines and Geosciences Bureau na magmina sa 7,411 ektaryang lupa sa mga bayan ng MacArthur, Javier, Abuyog, Dulag at Mayorga.
Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao at maka-kalikasan ang pag-atake sa lider kontra-mina. Ayon sa National Union of People’s Lawyers Tacloban Law Students, naisugod si Cabias sa isang ospital sa Tacloban City at kasalukuyang nagpapagamot.
Ang naganap na pag-atake kay Cabias ay ilang araw lamang bago gunitain ang anibersaryo ng pananalasa ng superbagyong Yolanda sa Eastern Visayas. “Walang tunay na hustisyang pangklima habang patuloy na dinarahas ang mga tagapagtanggol ng kalikasan,” pahayag ng NUPL-Tacloban Students.
Noong 2025, muling naitala ang Pilipinas sa ika-13 pagkakataon bilang pinakanakamamatay at delikadong lugar sa Asia para sa mga tagapagtanggol ng lupa at kalikasan ayon sa ulat ng Global Witness. Hindi bababa sa 124 indibidwal ang pinatay sa buong mundo noong 2025 sa pagtatanggol sa lupa at kalikasan, kung saan 12 ang naitala sa Pilipinas.
Ayon sa ulat ng grupo, malaki ang papel ng mga pwersa ng estado sa paghahasik ng karahasan sa mga tagapagtanggol ng lupa at kalikasan. Sa pahayag noon ng Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE), sinabi ng grupo na ang mga pag-atake ay nakaugat at bahagi ng patakaran at istruktura ng estado na naghahawan ng daan para sa mapangwasak at ekstraktikong mga proyekto.
—may mga ulat mula sa Larab, rebolusyonaryong pahayagan ng Eastern Visayas
The post Lider-kontra mina sa Leyte, sugatan sa pamamaril appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

