Natulak ng inihaing reklamo ng Leyte Center for Development (LCDe) ang Commission on Human Rights (CHR)-Region 8 na pagpaliwanagin ang mga upisyal militar ng 8th ID sa patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao sa Eastern Samar. Inihain ng LCDe ang reklamo laban sa militar noong Mayo at tumugon lamang ang CHR-Region 8 noong Seytembre.
Naglabas ng sulat ang officer-in-charge ng CHR-Region 8 na si Atty. Marierose P. Alvero-Joaquin noong Seytembre 29 para sa kumander ng 8th ID na si Maj. Gen. Peter para magpaliwanag hinggil sa kilos ng kanyang tropa. Kabilang sa kinukwestyon ni Alvero ang presensya ng 52nd IB at 87th IB sa Barangay Balagon, ang pagsailalim nito sa interogasyon sa mga residente, pagkakampo sa daycare center at paninira sa LCDe. Hindi pa tumutugon ang upisyal militar.
Isa sa mga tinukoy sa reklamo ng LCDe ang pagmamanman ng militar sa isinagawa nitong pamimigay ng ayudang pangkabuhayan sa kababaihang magsasaka sa Barangay Balagon, Can-avid noong Mayo 19. Ayon sa LCDe, tumungo sa baryo ang executive director nito na si Jazmin Jerusalem kasama ang dalawang boluntir para mamahagi ng cash grant na ipambibili ng mga benepisyaryo ng inahing baboy. Magsisilbi sana itong dagdag-kita para sa mga residente.
Kinabukasan, ilang di-nagpakilalang lalaki na nakabihis-sibilyan at nakasuot ng face mask ang bumuntot sa istap ng LCDe habang paalis sila sa bayan. Kinuhaan sila ng litrato hanggang sa pagtungo nila sa alkalde ng bayan upang makipagpulong hinggil sa mga proyektong pangkabuhayan.
Samantala, dumating sa Barangay Balagon ang mga tropang militar para isailalim sa interogasyon ang kababaihang benepisyaryo ng LCDe. Halos araw-araw na binabalik-balikan ng mga sundalo ang mga benepisyaryo para kuhaan ng litrato ang mga baboy na ipinamahagi sa ilalim ng proyekto. Binalaan din ang mga residente na hindi dapat tumanggap ng ayuda mula sa LCDe dahil “nagrerekrut” ito ng kabataan sa mga “teroristang organisasyon.”
Dahil sa pananakot, ilang benepisyaryo ang nagpahayag na ibabalik na lamang ang mga alagang baboy. Ikinababahala ngayon ng LCDe na maaapektuhan nito ang susunod na serye ng pamamahagi ng ayuda sa Barangay Balagon sa darating na Disyembre.
Ayon pa sa LCDe, bago pa sila dumating sa Barangay Balagon ay nakipagpulong muna sila sa bise-alkalde ng Can-avid na si Modoy Busa para ipabatid ang gagawin nilang aktibidad. Tumulong pa umano si Busa na sagutin ang gastusin nila sa byahe.
Ikinabahala rin ng LCDe ang pagkakampo ng mga sundalo sa daycare center ng barangay. Ipinagbabawal ng internasyunal na makataong batas (IHL) ang pagpapahamak sa mga sibilyan, tulad ng pamamalagi ng mga tropang militar sa mga sibilyang imprastruktura.
Ang LCDe ay isang grupong pangkaunlaran na itinatag noong 1988 at nagbibigay ng serbisyong sosyo-ekonomiko at community-based disaster relief sa Samar at Leyte. Ang orgaisasyon ay kabilang sa mga ginigipit ng estado gamit ang kasong “terrorism financing.” Patuloy itong nilalabanan ng grupo at noong Pebrero ay ibinasura ng isang korte sa Tacloban City ang kasong “terror-financing” laban sa executive director nitong si Jerusalem.
—ulat mula sa Larab, rebolusyonaryong pahayagan ng Eastern Visayas
The post Panghaharas, sarbeylans ng militar sa Eastern Samar, inireklamo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

