Nagprotesta ang mga manggagawa ng MDC ConQrete, Inc (MCI) sa harap ng industrial complex na MDC Technology Center sa Barangay San Felix, Sto. Tomas, Batangas noong Nobyembre 5. Inirereklamo nila, sa pangunguna ng Liga ng Manggagawa sa MCI-San Felix, ang iligal na tanggalan at kontraktwalisasyon, at humihingi ng karampatang kumpensasyon para sa mga paglabag na ito.
Matapos ang pagkilos, nagtungo sila sa National Labor Relations Commission (NLRC) sa Calamba, Laguna para upisyal na isumite ang reklamo ng 65 manggagawa ng MCI. Pagkatapos ay tumungo sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) Region IV-A para magprotesta.
Ayon sa Liga ng Manggagawa sa MCI-San Felix, iligal na tinanggal ang mga manggagawa at nakaranas ng hindi awtorisadong pagkaltas ng kanilang kooperatiba sa sahod, at Labor Only Contracting (LOC). Ang planta ay nakapailalim sa kontrata sa pagitan ng Asiapro Multipurpose Cooperative (AMC) at MCI-San Felix.
“Ang pagsasampa ng kaso ay hindi paghahanap ng gulo. Ito ay paggamit ng ligal na paraan upang makamit ang hustisya,” pahayag ng grupo. Dagdag ng grupo, hindi isang pabor ang kanilang hinihingi sa kumpanya kundi tanging nararapat para sa bawat manggagawa kabilang ang makatarungang pagtrato, seguridad sa trabaho, at pagsunod sa batas paggawa.
Napasakamay ng AMC ang pagpapatakbo sa planta noong 2019 nang “inilipat” ito ng MCI sa pamamagitan ng Independent Manufacturing Group. Sa likod ng “paglilipat” ng pamunuan, ang MCI ay isang buong subsidyaryo ng Makati Development Corporation (MDC na subsidyaro naman ng Ayala Land, Inc. (ALI). Ang ALI ay pag-aari ng Ayala Corporation at isa sa nangungunang kumpanya sa real estate development sa Pilipinas.
Ang planta sa Barangay San Felix ay gumagawa ng mga pader, translab na sahig, hagdan, beam, interior pannel at iba pang pre-fabricated cast concrete para sa mga proyektong pang-konstruksyon ng MDC.
“Huwag nating hayaang maging normal ang sistemang ang manggagawa ang laging nag-aadjust, laging nangangamba, at laging nagsasakripisyo,” ayon sa grupo. Nanawwagan ito sa kapwa manggagawa na sama-samang manindigan at ipaglaban ang hustisya.
The post 65 manggagawa ng MDC ConQrete, Inc sa Batangas, pumalag kontra tanggalan, kontraktwalisasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

