Nagprotesta ang mga manggagawa ng Cavite Manufacturing Company (Camanaco) Inc sa pabrika sa Rosario, Cavite noong Nobyembre 3 para kundenahin ang iligal na tanggalan ng kumpanya sa mga manggagawa. Mula Pebrero hanggang Oktubre ngayong taon, umabot na sa 25% o 60 manggagawa sa kabuuang 240 lakas-paggawa sa kumpanya ang tinanggal ayon sa Liga Kababaihan. Sa 240 manggagawa ng kumpanya, 100 ang regular at 140 ang kontraktwal sa ilalim ng ahensyang Manpower and General Services (MMA).
Ang Camanaco Inc ay isang pabrika sa Cavite Economic Zone na rehistrado sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at gumagawa ng mga industrial work glove at safety gear. Naglilingkod ito bilang pangunahing offshore manufacturing site para sa Magid Glove & Safety USA. Nag-iimport ang Camanco Inc ng mga hilaw na materyales upang gumawa ng mga knitted at woven glove na ine-eksport nang direkta sa North American distribution network ng Magid.
Hindi naniniwala ang mga manggagawa sa pagdadahilan ng kumpanya na kaya nagpatupad ng tanggalan ay dahil sa kakulangan ng order at mababang produksyon. Anila, ang totoo ay inililipat lamang ng Camanaco Inc ang mga order sa mga in-house o homebased na sub-contractual para makamura sa produksyon. Iginigiit ng mga manggagawa na iligal na tanggalan ang hakbang na ito ng kumpanya.
Bilang bahagi ng kanilang sama-samang pagkilos, nagsampa ng reklamo ang ga manggagawa sa PEZA at sa DOLE Region IV-A upang paimbestigahan ang Camanco. Nanawagan sila na busisiin ng mga ahensya ng gubyerno ang iligal na in-house at homebased na sub-contracting ng Camanco Inc.
Panawagan din ng mga manggagawa na ibalik sa loob ng pabrika ang mga inilabas na order. Kasabay nito ang pagbabalik-trabaho sa mga iligal na tinanggal na manggagawa nang walang anumang kundisyon. Itintutulak nilang gawing regular ang lahat ng mga manggagawang kontraktwal sa ilalim ng labor-only contracting sa pagitan ng CAMANCO at MMA. At panghuli, ibalik ng PEZA sa pabrika ang lahat ng makina na dinala ng Camanco Inc sa mga in-house o homebased na subcontractor.
Nagpahayag ng suporta sa mga manggagawa ng Camanco Inc ang Solidarity of Cavite Workers. Ayon sa grupo, ganito rin ang ginawa sa mga manggagawa ng Nissen Technologies nang arbitraryo nitong tinanggal ang nasa 200 manggagawa noong Setyembre. Ginamit ding dahilan ng kapitalista ang pagbaba ng natatanggap na mga order at produksyon para sa tanggalan. Anito, dapat magkaisa ang mga manggagawa at labanan ang ganitong mga iskema at atake sa karapatan sa paggawa.
The post Iligal na tanggalan sa Cavite Manufacturing Company Inc, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

