Nitong nagdaang Oktubre, saksi ang buong bayan sa tahasang kataksilan ni Marcos Jr sa ordinaryong mamamayan at laluna sa uring magsasaka. Tuloy-tuloy na dumadausdos ang kalagayan ng pamumuhay sa Pilipinas. Ang mga pesante at manggagawang-bukid sa kanayunan ay tuloy-tuloy na pinipiga at pinapahirapan ng implasyon, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at pagbagsak ng presyo ng produktong sakahan. Sa iba’t ibang rehiyon, tampok ang walang-ampat na pagpapalayas sa mga magsasaka’t katutubo na nagdudulot ng pagbagsak ng lokal na produksyon, pambabarat sa presyo ng mga produktong sakahan at, pagsirit ng presyo ng pagkain. Kasabay ng lahat ng ito, tuloy-tuloy ang seryosong banta ng imperyalistang gerang agresyon.

Bilang pinakamalaking pwersang pamproduksyon sa bansa, ang magsasaka ay nasa dehadong posisyon ng palagiang pagkalugi at pagkalugmok sa utang. Ang tagalikha at taga-ani ng ating pagkain sa araw-araw ay nilalapastangan sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Sa tulak ng imperyalismong US at sa sabwatan nito sa lokal na reaksyunaryong naghaharing-uri, lalong nakaasa ang lokal na ekonomya sa tambakan ng mga import habang malawakan ang eksport ng ating likas na yaman bilang hilaw na materyales sa mga sentro ng industriyal na produksyon at semi-processing sa ibayong dagat. Luging-lugi ang mga maralitang magsasaka hanggang sa mga panggitnang magsasaka dahil sa matinding sinapit sa mga nagdaang bagyo at tagtuyot sa maraming mga lugar sa Pilipinas. Mas lalo itong pinapalala ng pagtaas ng presyo ng langis na nagdulot ng pagtaas ng lahat ng presyo ng bilihin. Nitong 2026 hinigitan na ng 25% ang pagtaas ng presyo ng langis sa buong daigdig kung ikukumpara sa nakaraang taon, dahil ito sa digmaan ng US at Israel laban sa Iran. Sa banta ng ‘Super’ El Niño, lalong nahihirapan ang magsasakang Pilipino, at si Marcos Jr ang pinakaunang nararapat sisihin para sa kanyang kainutilan.

Patong-patong ang mga problema na kinakaharap ng mga magsasaka. Karampot lamang ang arawang sahod, at tiyak dahil sa pagbagsak ng lokal na produksyon, higit na bulnerable ang mga magsasaka sa kanayunan sa mas malupit na mga porma ng pyudal na pananamantala at pandarambong. Sa iba’t ibang mga prubinsya tulad ng Zambales, Pampanga, Tarlac, Isabela, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Laguna, Batangas, Mindoro, Romblon, Palawan, Samar, Caraga, hanggang sa Saranggani, Bukidnon, at Lanao, tuloy-tuloy ang banta ng pagpapalayas para sa iba’t ibang mga huwad na proyekto na kadalasa’y tinatawag na “development project” o sibilyang proyektong gagamitin para sa EDCA o bilang parte ng paghahanda ng US sa digmaan. Ilang matunog na halimbawa ay ang Luzon Economic Corridor, MTerra Solar Project, at ang malawakang pagmimina ng nickel, copper, at manganese, at ang balak na tuwirang pagbenta ng pambansang kasarinlan sa imperyalistang proyektong Pax Silica.

Ngayon at sa paparating na pag-bisita ni Donald Trump, Presidente ng US, sa Pilipinas upang pirmahan ang pagpapaloob nito sa Pax Silica, ang rehimeng US-Marcos Jr ay nahihibang na sa walang-hangganang kataksilan nito laban sa sambayanang Pilipino. Nakisangkot ito sa mga preparasyon ng US sa digmaan sa pagpapalaot nito ng mga aircraft carrier na nakadestino patungo sa Iran, tuloy-tuloy nitong ibinebenta ang kasarinlan ng Pilipinas sa pagtatayo ng paparaming mga base at pasilidad para sa preparasyon ng US para sa digmaan sa Asya. Tampok dito ang mga EDCA site, ang Luzon Economic Corridor, at ang Counterterrorism Center sa Zamboanga. Hindi masapatan, pinahintulutan ni Marcos Jr at kanyang mga kasabwat sa pagpapakapapet sa US ang pagpasok sa sangkatutak na tagibang na kasunduang pang-ekonomya at pandepensa sa ilang mga imperyalistang bansa sa ilang sunod-sunod na pagkakataon, kabilang na rito ang mga kasunduan sa Japan, Australia, at Canada.

Upang maitulak ang Pax Silica, nagtutulak ang estado ng militarisasyon sa mga komunidad ng katutubo at magsasaka sa Capas, Tarlac upang agawin ang ekta-ektaryang lupang ninuno at bigyang-daan ang pagtatayo ng mga mapangwasak na pasilidad, data center, at empresa para sa kagamitang pandigma.

Sa pagharap sa lumalaking hamon sa kasalukuyan, tiyak na mahalaga ang pagbabalik-kasaysayan sa paglaban ng magsasaka upang tuklasin ang mga ginintuang aral. Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol kung saan nakapailalim ang Pilipinas sa sistemang pyudal, sumiklab ang mga aklasan sa iba’t ibang rehiyon laban sa polo y servicio, tributo, mataas na upa sa lupa, at pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa o prayle. Sa Bohol ay nanguna sina Dagohoy, sa Hilagang Luzon ay tampok ang pakikibaka ni Palaris sa Pangasinan at ang mag-asawang Diego at Gabriela Silang sa Ilocos. Sa kabila ng kamusmusan pa ng rebolusyonaryong kamalayan ng mamamayan, malinaw na mahigpit ang pagkakawing ng anti-pyudal na pakikibaka sa anti-kolonyal na hangarin ng mamamayan.

Umabot ito sa pagkahinog ng sitwasyon noong ika-19 na siglo, at itinatag ng masang anakpawis ang Katipunan na sinindihan ang sulo ng rebolusyonaryong pakikibaka sa buong bansa. Sa panghihimasok naman ng US noong 1898, hindi kailanman isinuko ng mamamayang Pilipino ang kanyang pakikibaka. Nang naipailalim sa pananakop ng Hapones, sa Tarlac, Gitnang Luzon itinatag ang Hukbong Bayan Laban sa Hapones (HUKBALAHAP). Mula noon, hanggang ngayon ay nakikibaka ang mga pesante bilang pangunahing puwersa ng rebolusyon. Milyun-milyong magsasaka ang sumibol at sisibol bilang mga rebolusyonaryo, mga kasapi at kumander ng Hukbo, at mga kadre at kasapi ng Partido.

Dakilang hamon ngayon sa kabataan ang mahigpit na lumahok sa pagsusulong ng pakikibakang anti-pyudal at anti-imperyalista sa pagdepensa sa Inang Larangan sa Gitnang Luzon laban sa Pax Silica at iba pang dambuhalang pakana ng US. Marapat lang na buong-lakas na ipagtanggol ang lupang saksi sa pagsibol ng iba’t ibang pwersang makabayan at pwersang rebolusyonaryo mula sa HUKBALAHAP noong Marso 29, 1942, hanggang sa muling pagkatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bagong Hukbong Bayan noong 1968 at 1969. Nakatatak sa kasaysayan ang magiting na pakikibaka ng mamamayan ng Gitnang Luzon para sa kalayaan mula sa mananakop at naghaharing-uri. Tungkulin ng kabataang ipagpunyagi ang rebolusyonaryong tradisyon ng mamamayan sa rehiyon at ibayong palakasin ang pambansa-demokratikong pakikibaka na siyang magwawakas sa lahat ng porma ng pyudal na pagsasamantala at imperyalistang atake, at maghahawi ng landas tungong sosyalistang lipunan.

Mula Hilaga hanggang Timog—mula Abra hanggang Saranggani—mataba ang lupa para sa tuloy-tuloy na pagpupunyagi at pagpundar ng lakas ng kilusang pesante hanggang sa ganap nating tagumpay. Sa pag-agos ng pakikibaka ng kilusang magsasaka at kilusang anti-imperyalista, tiyak ang bata-batalyong pagtungo ng kabataan sa kanayunan, sa Bagong Hukbong Bayan. Sa pagsulong ng rebolusyong agraryo bilang isa sa tatlong sangkap ng Demokratikong Rebolusyong Bayan lamang ganap na makakamit ang hustisya para sa milyun-milyong magsasakang kinahaharap ang suliraning kawalan ng sariling lupang sinasakahan. Sa sandatahang paglaban lamang ganap na makakamit ang hustisya para sa libu-libong magsasakang nag-alay ng kanilang buhay at pakikibaka para sa paglaya ng sambayanang api. Sa pagsibol ng mga binhi ng pulang kapangyarihan sa kanayunan lamang matatamasa ang tunay na demokrasya at paglaya.

Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan hanggang sa tagumpay!

The post Mabuhay ang pakikibaka ng mga magsasaka! Kabataan, sumanib sa masang anakpawis at sama-samang itakwil si Marcos Jr! Depensahan ang Inang Larangan mula sa Pax Silica, lansagin ang Imperyalismong US! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.