Pinakamataas na parangal at pulang saludo ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas-Far South Mindanao Region (PKP-FSMR) kay Ka Noel Pamaong o “Ka Lauro/Julio” na nag-alay ng kanyang buhay at talino sa pagsusulong ng pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Larawan ni Noel Pamaong (Ka Lauro/Ka Julio), 60
Nabuwal si Ka Lauro matapos pinagbabaril ng walang kalaban-laban sa isang operasyon ng pinagsamang tropa ng kaaway mula sa 1st Mechanized Brigade, 603rd Infantry Brigade sa ilalim ng 6th Infantry Division (ID) at Philippine National Police-South Cotabato noong Oktubre 30, 2026 sa Barangay Silway 8, Polomolok, South Cotabato. Pinaulanan ng bala si Ka Lauro at driver nito na si Laurence Porras habang binabagtas ang daan sakay ng motorsiklo papunta sana sa kanyang kamag-anak sa nasabing lugar.
Si Ka Lauro ay naka-medical leave dahil sa iniindang sakit na Acute Ulcer, Rheumatism, Chronic Kidney Disease, Hypertension at Diabetes. Tahasang paglabag sa International Humanitarian Law, Batas ng Digma at mga Protocol sa Geneva Conventions kaugnay sa itinuturing na mga hors de combat o wala na sa katayuang lumaban ang ginawang pagpaslang sa kanya ng AFP at PNP. Pinapatotohanan ng brutal na pagpatay kay Ka Lauro ang pagka-uhaw sa dugo ng militar at walang pakundangang pasismo ng estado sa ilalim ng papet, kriminal, korap at pahirap na rehimeng US-Marcos Jr.
Nagmula si Ka Lauro sa uring petiburgesya. Pulis ang kanyang ama, guro naman ang kanyang ina. Kapwa nauna nang pumanaw ang kanyang mga magulang. Si Ka Lauro ang panganay na anak sa dawalang magkapatid. Mula nang sumapi si Ka Lauro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) hangang siya ay namatay, hindi na niya muling nasilayan pa ang kanyang ama, at isang beses lang silang nagkita ng kanyang ina. Buong panahon nang inalay ni Ka Lauro ang kanyang buhay sa paglilingkod sa bayan at rebolusyon.
Hindi naging hadlang ang petiburgesyang uri na pinagmulan ni Ka Lauro upang malalim na unawain ang ugat-dahilan ng paghihikaos at kahirapan ng masang mangagagawa at magsasaka at yakapin ang kanilang pakikibaka. Unang namulat si Ka Lauro noong siya ay nasa seminaryo at nag-aaral ng kursong Bachelor of Arts in Theology. Tuloy-tuloy siyang naging aktibo sa gawain hanggang talikuran nito ang pangarap na maging pari at buong panahon na kumilos bilang organisador ng kabataan at estudyante sa General Santos City at Koronadal City noong 1994.
Kalaunan nagpasya si Ka Lauro na tumungo sa kanayunan at buong panahong kumilos bilang pulang mandirigma ng Guerilla Front 71 ng BHB noong 1996. Ang tunay na kalagayan ng masang api at malalim na pag-unawa sa pangagailangang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan ang lalong nagpaalab sa kanyang damdamin para humawak ng armas at tahakin ang armadong pakikibaka.
Mahigpit ang pagtangan ni Ka Lauro sa mga batayang prinsipyo ng Partido, sa simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Matapang niyang hinarap ang mga sakripisyo at kahirapan sa gitna ng todo-opensiba na inilusad sa bawat reaksyunaryong rehimen sa loob ng apat (4) na dekada ng kanyang pagkilos.
Dahil sa kaniyang ipinakitang kasigasigan sa gawain at malalim na pagtangan sa Marxismo, Leninismo at Maoismo (MLM), nahirang bilang kagawad ng KR sa Ka Lauro mula 2006. Bilang kadre ng Partido, malaki ang kaniyang naging ambag sa gawaing instruksyon at mga pampartidong pag-aaral. Matalino niyang ginampapanan ang gawaing medical at instruction sa politiko-militar, maging ang iba’t-ibang tungkulin bilang panrehiyonal na staff sa edukasyon. Mahigpit na tinaguyod ni Ka Lauro ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) at kasalukuyang kilusang pagwawasto ng Partido. Masigasig din niyang pinamunuan ang gawain sa paglulunsad ng agraryong rebolusyon, armadong pakikibaka at pagtatayo ng organo ng kapangyarihang pampulitika sa hanay ng masang settler, Moro, Blaan, Kaolo, Tboli, at Dulangan Manobo.
Kahit sa gitna ng kanyang medikal na kondisyon hindi kailanman siya pinanghinaan ng loob at lagi niyang iniisip ang interest at kagalingan ng masa at mga kasama.
Malaking kawalan sa Partido at buong rebolusyonaryong kilusan sa Far South Mindanao ang pagkamatay ni Ka Lauro. Ngunit ang kanyang kadakilaan, buhay at mahalagang ambag sa pakikibaka ay magiging inspirasyon ng masang api at buong rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon upang lalo pang pag-alabin at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay.
Mabuhay ang alaala ni Ka Lauro!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Itaguyod ang Kilusang Pagwawasto ng Partido!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
The post Pinakamataas na parangal at pulang saludo kay Kasamang Noel Pamaong! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

