Iniulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) na nagsagawa ito ng tahimik na 21-gun salute para sa Negros 19 noong Oktubre 19, ika-6 na buwan ng kanilang pagkamartir. Binigyang-parangal ng yunit ang 10 Pulang mandirigma at siyam na indibidwal na minasaker ng Armed Forces of the Philippines noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.
Pinarangalan ng hukbong bayan ang namartir na iskwad nito na kinabibilangan nina: Roger Fabillar (Ka Tapang), na nagsilbing kumander ng BHB-Northern Negros; Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), instruktor sa pulitika; Rene Villarin Sr (Ka During), iskwad lider; Genevieve Balora (Ka Raia), kadre ng Partido sa distrito; Pedro Bonghanoy (Ka Regen), upisyal sa medikal; Sonny Boy Caramihan (Ka Nikki); Arnel Javoc (Ka JR); Joros Caramihan (Ka Bunso); Labskie Purisimia Enustacion (Ka Judy); at Jocel Gimang (Ka John Paul).
Kinilala rin nila ang kabayanihan at inialay na panahon at talento nina RJ Nichole Ledesma, mamamahayag ng Altermidya; Alyssa Alano, lider estudyante ng UP Diliman University Student Council (USC); Maureen Keil Santuyo, myembro ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth; Errol Wendel, organisador ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura; Lyle Prijoles, Pilipino-Amerikanong lider ng International Coalition for Human Rights in the Philippines; Kai Sorem, Pilipino-Amerikanong oranisador ng Anakbayan sa US; Roel Sabillo, kabataang magsasaka; at dalawang menor-de-edad (15 at 17 taong gulang) mula sa Toboso at Calatrava.
Binuksan ng BHB-Northern Negros ang programa ng parangal sa pamamagitan ng pag-awit ng Internasyunal. Sinundan ito ng pambungad na pananalita kung saan inihayag ang layunin ng programa. Ipinaunawa rin sa mga Pulang mandirigma na marapat lamang na bigyang parangal ang mga kasama at mga patriyotikong nag-alay ng kanilang buhay para sa pagsulong ng rebolusyon.
Kasunod nito ang pagpapakilala sa kada kasamang namartir kung saan isinalaysay ang buhay at pakikibaka nila. Matapos nito ay humanay ang mga Pulang mandirigma at nag-alay ng tahimik na 21-gun salute para sa Negros 19.
“Malalagasan man tayo ng mga mandirigma at kumander ngunit hinding-hindi madudurog ng kaaway ang rebolusyon hangga’t may nagpapatuloy nito at hangga’t nanatili na ang aping mamamayan ay pumapaning sa rebolusyonaryong kilusan,” pagbabahagi ni Ka Niko, isang mandirigma.
The post 21-gun salute, inialay ng BHB-Northern Negros sa Negros 19 appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

