Sa nakaraang mga taon, walang palyang bumoto ang blokeng Makabayan ng “No” sa pambansang badyet na ipinapasa ng Kongreso. Noong 2024 at 2025, ang tatlong kinatawan ng mga progresibong partido, sina Rep. France Castro, Rep. Arlene Brosas, at Rep. Raoul Manuel, ang tanging bumoto laban sa General Appropriations Bill. Idineklara noong Oktubre ng Korte Suprema na may mga probisyon ang mga naipasang badyet sa mga taong ito na labag sa konstitusyon ng Pilipinas.

Kabilang sa mga ipinawalang-bisa ng korte ang mga dagdag na alokasyon sa unprogrammed appropriations o UA ng 2024 badyet at ang dagdag-pondo sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2025 badyet.

Sa desisyon, sinabi ng Korte Suprema na saklaw ng limitasyong konstitusyonal sa badyet ang kabuuang halaga ng programmed at unprogrammed appropriations. Sa gayon, hindi dapat lumagpas ang badyet ng Kongreso sa unang halagang itinakda ng pangulo. Itinatakda rin nito ang pagbabawal sa “lump sum” sa UA at ang pangangailangan ng malinaw na prayoridad at pananagutan sa paggamit ng pondo.

Hindi nangangahulugan ang pasya ng Korte Suprema na ipinagbabawal na ang lahat ng tipo ng UA. Alinsunod sa desisyon, kinilala ng hukuman na maaaring magkaroon ng ganitong mga pondo kung may malinaw na limitasyon at proteksyon.

Hindi na maibabalik ang mga nagastos nang pondo, pero maaaring sampahan ng kriminal, sibil at administratibong kaso ang nagpanukala, nagtanggol at nagpatupad nito. Nasa tuktok nito si Ferdinand Marcos Jr na pumirma para maisabatas ang naturang mga badyet.

May implikasyon ang desisyon ng korte sa badyet para sa 2026 at 2027 na parehong naglalaman ng mga lump sum at UA para sa pangulo. May mga probisyon ng 2026 GAA na ipinawalang-bisa rin ng Korte Suprema. Samantala, maisasalang sa kritisismo ang mga probisyon sa UA para sa 2027 badyet dahil sa kakulangan ng itemization ng ilang pondo, patuloy na paggamit ng lump sum allocation at insertion sa mga programa sa DPWH at ayuda; at kawalan ng detalyadong ulat o transparency sa mga amyenda at paggalaw ng pondo sa Kongreso.

Itinuring ng Makabayan na pagpapatibay ang desisyon sa paninindigan nitong tutulan ang mga alokasyong dati na nitong tinaguriang “presidential pork.” Naninindigan itong mahalagang ipagtanggol ang pondo ng bayan laban sa pang-aabuso at tiyaking nakatuon ang badyet sa pangangailangan ng publiko.

Iginiit ng koalisyon na hindi nagtatapos sa desisyon ng hukuman ang panawagan para sa pananagutan. Ipagpapatuloy nito ang laban para sa pag-usisa sa mga nagpasok, nagpanukala at nagpatupad ng mga kwestiyunableng alokasyon, at ipaglaban ang pambansang badyet na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

The post Mga probisyon sa 2024 at 2025 badyet, idineklarang labag sa konstitusyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.