Matagumpay na naipagtanggol ng daan-daang residente ng Kasibu, Nueva Viscaya ang kanilang barikada mula sa tangkang pagbuwag ng Philippine National Police noong Oktubre 30. Ang tangkang pagbuwag ay pagpapatupad sa temporary restraining order o TRO na iniliabas ng Regional Trial Court Branch 30 mula sa inihaing petisyon ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) at Bugkalot Confederation.
Noong Oktubre 27, sa ilalim ni Judge Payl Attolba, naglabas ng 72-oras TRO ang RTC Branch 30 laban sa 56 indibidwal na nagbabarikada sa Kasibu. Kinabukasan inihain ito ng sheriff sa mga nagbabarikada, ngunit hindi ito tinanggap ng mga residente. Isinabit na lamang ang kautusan sa isang puno sa gilid ng daan.
Sa ilalim ng TRO, ipinagbawal ang paglalagay ng harang sa Paquet-Pao Municipal Road at sa mga kalsada ng Pao, Catarawan, Kakidugen at Paquet. Ipinagbawal din ang pagpigil sa mga sasakyan, empleyado, kontraktor at kinatawan ng North Luzon Mineral Resources Corp. (NLMRC) sa paggamit ng mga nasabing ruta, kabilang ang mga trak na nagdadala ng langis, pagkain, tubig at iba pang mahahalagang suplay.
Mula nang itinayo ng mga residente ang barikada, napilitan ang NLMRC na isuspinde ang operasyon nito hanggang Setyembre. Sinasabing lagpas na umano sa P8.3 milyon ang pagkakalugi ng kumpanya dahil sa pagkaantala ng operasyong eksplorasyon.
Nagsimulang sumugod ang daan-daang pulis na may bitbit na riot shield sa barikada bandang alas-10 ng umaga. Ilang beses nagtangka ang mga pulis na alisin ang nakaharang na kawayan at barbed wire ngunit lagi silang bigo sa sama-samang pagharap ng mga residente. Bandang alas-3 ng hapon, umatras din ang PNP matapos ipaliwanag ng mga abugado ng nagbabarikada sa magkabilang panig na nakakuha sila ng 20 araw na ekstensyon para sa pagpapatupad ng TRO.
Habang pinagtatanggol ng mamamaayan ang barikada, nagsagawa ng pagdinig ang RTC Branch 37 sa ilalim ni Judge Eric Banasan ukol sa kahilingan na i-extend ang 72 oras na TRO. Kinuwestiyon nina Atty. Fidel Santos, Atty. Edgardo Balgos at Atty. Ellice Balgos ang TRO dahil sa simula pa lamang ay kwestiyunable ang pagkakakuha ng permit ng mining company. Kinwestiyon din nila ang judicial entity ni Rosario Camma, ang kumakatawan sa Bugcalot Confederation.
Anila, ang Bugkalot Confederation ay sumasakop lamang sa Quirino at Aurora at hindi ang Nueva Vizcaya. Isinaad din na ang daang hinarangan ay pribadong pagmamay-ari ng isang residente sa nasabing lugar at kahit gaano pa ito katagal nang ginagamit ng publiko, nanatiling pagmamay-ari ito ng pribadong indibidwal. Pumanig ang korte sa mga residente at binigyan sila ng hukom ng 20
araw na ekstensyon.
Nagpahayag ng pagkundena ang iba’t ibang grupo sa naganap na karahasan ng PNP sa mga residente ng Kasibu, kabilang ang Center for Environmental Concerns, Climate Change Network for Community-based Initiatives, Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan, Kalikasan People’s Network for the Environment at Bayan Muna.
The post Muling tangkang pagbuwag sa barikada sa Kasibu, napigilan ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

