Nanawagan ang mga mangingisda at maralitang komunidad sa Cavite ng pananagutan sa lokal na gubyerno ng syudad sa pangunguna ni Mayor Strike Revilla sa isinagawa nitong demolisyon sa Bacoor. Hindi bababa sa 50 floating house ang winasak ng mga tauhan ng lokal na gubyerno noong Oktubre 27-29 sa saklaw ng mga barangay ng Longos, Maliksi, at Zapote V.
Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Cavite, wala ni kahit anong abiso ang lokal na gubyerno sa isinagawang demolisyon. Planong magtayo ng pabrika ng patis sa dinemolis na komunidad sa pangunguna ng kumpanyang Frabelle Fishing Corporation, na pag-aari ni Deparatment of Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr.
“Dito ngayon sa Longos, ang mga floating house ay sinisira nang walang abiso at bigla na lamang hinihila. Hindi ko ito napigilan dahil mga bantay-dagat ang gumawa nito. Wala akong nagawa—pati ang aso ko, nasama roon,” kwento ni Ricardo Bagongong, lider-mangingisda at organisador ng Pambansang Lakas ng Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Cavite.
Isa lamang si Bagongong sa 100 mangingisdang apektado ng sapilitang pagpapalayas sa porma ng demolisyon at sunog sa kanilang komunidad. Noong 2024, may malawakang sunog sa baybay-dagat sa Sityo Kanluran, Zapote 3 na kumutil sa buhay ng tatlong residente, habang umabot sa 838 na pamilya ang nasunugan. Dalawang taon matapos ang insidente na ito, dahil kulang at di nakasasapat ang ayuda, ay hindi pa rin nakababangon sa hirap ang mga maralita.
Iginigiit ng mga maralita at mangingisda na bigyan sila ng hustisya sa hindi makataong demolisyon at pagpapalayas sa kanila sa komunidad. Nananawagan sila ng maayos na relokasyon at kumpensasyon sa mga sinirang kagamitan at bahay.
Kaugnay nito, inihayag ng Kadamay-Cavite na hindi lamang demolisyon ang kasalanan ni Revilla sa mga taga-Bacoor. “Si Strike Revilla ay ang utak ng pagpapahirap at pagyurak sa karapatang-tao ng mga Bacooreno. Siya ay isang korap, mapanlinlang at mapanupil na nag-aastang mabuting namumuno,” ayon sa grupo.
May pananagutan umano si Revilla sa napakamahal na bayad para makakuha ang isang manggagawa ng taunang “work permit” at “treyning” sa lokal na gubyerno na umaabot ng ₱800. Dapat rin umano siyang mapanagot sa makupad na pamamahagi ng pensyon ng mga senior citizen sa syudad.
“Dapat panagutin at singilin si Strike Revilla, ang ACPOPS, si Francisco Tui Laurel, ang Philippine National Police at lahat ng kasabwat ng lokal na pamahalaan sa pinsalang dinulot nila sa mga Bacooreño. Ang pamahalaan ay may tungkuling maglingkod sa taumbayan, hindi sa mga kapitalista at dayuhan!” ayon sa Kadamay-Cavite.
The post Mga Revilla, panawagang panagutin sa demolisyon sa komunidad ng mga mangingisda sa Cavite appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

