Napahayag ng pangamba ang mga mangingisda sa posibilidad na gamitin ng estado ang pagpapataw ng closed fishing season sa galunggong para bahain ng imported na galunggong ang bansa. Sinimulan ang pagbabawal na mangisda ng galunggong sa hilaga ng Palawan noong Nobyembre 1 at tatagal hanggang Enero 2027.
Sa tabing ng pangangalaga sa pangisdaan, taunang ipinatutupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang naturang patakaran alinsunod sa Fisheries Code of 1998. Ipinagbabawal nito ang paggamit ng purse seine, ring net at bag net fishing gear para manghuli ng galunggong sa takdang pangisdaan.
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), nangangamba sila dahil karaniwang sinusundan ng closed fishing season ng importasyon na nagpapasadsad sa presyong bilihan ng isda. Bumabagsak tungong ₱70-₱80 kada kilo ang farm gate price ng galunggong tuwing pinahihintulutan ng gubyerno ang pagpasok ng imported na isda.
“Nangangahulugan ito ng malaking depisito sa kita ng mga mangingisda na bugbog na sa mga kalamidad at krisis sa ekonomya,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.
Dagdag ni Hicap, lalo pang napatutunayang atrasado ang lubos na pagsalalay ng rehimeng Marcos sa patakaran sa importasyon sa harap ng pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar. Sa huling tala noong Oktubre 31, nasa ₱63.68 na ang halaga ng piso kada $1.
“Sa gitna ng pagbagsak ng piso kontra dolyar, lalong lugi ang Pilipinas sa patakarang pag-aangkat. Lugi na sa kalakalan, bagsak pa ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda na apektado ng importasyon,” aniya.
Paliwanag ni Hicap, “Ang pagsandig sa importasyon sa gitna ng pagdausdos ng piso kontra dolyar ay higit pang magpapataas ng mga pangunahing bilihin at konsumo sa kapinsalaan ng mga mahihirap.”
Sa harap nito, nanawagan ang Pamalakaya na palakasin ang lokal na produksyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng gubyerno ng subsidyo at suporta sa mga magsasaka at mangingisda. Agad rin umanong dapat ibasura ng rehimeng Marcos ang patakaran ng liberalisasyon sa importasyon.
Maliban sa galunggong, nagpataw rin ang BFAR ng pagbabawal mangisda ng tamban sa Tayabas Bay sa Quezon mula Nobyembre hanggang Enero. Hiwalay na pagbabawal sa pangingisda rin ang ipatutupad ng BFAR sa Balayan Bay sa Batangas simula Disyembre hanggang Pebrero 2027.
The post Mga mangingisda, nangangamba sa pagbaha ng imported na galunggong appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

