Itinayo ng mga residente ng Barangay San Diego, Lian, Batangas ang isang kampuhan noong Oktubre 23 para pigilan ang bantang demolisyon at pagpapalayas sa mga residente. Ang kampuhan ay pinangungunahan ng San Diego Homeowners’ Association (SDHA) at Samahang Mangangawil 1979 (SM79).
Ayon sa mga residente, mayroong banta ng demolisyon laban sa apat na bahay, kabilang ang pamilya ng mga kasamang magsasaka na Plata. Maliban sa apat na bahay, posible ring mahagip ng pagpapalayas ang 21 pang bahay.
Noon pang 1975 nakatira ang mga Plata sa lupa sa ilalim ng isang titulo ng mga Guiñez. Samantala, ang hindi bababa sa 21 na iba pang kabahayan sa ilalim ng Lot 297 sa nasabing titulo ay nakatayo na ang mga bahay mula pa noong dekada 1940. Hinahabol at inaangkin ngayon ng mga tagapagmana ng matandang Guiñez ang loteng kinatitirikan ng pamilya Plata. Nakakuha na ang pamilya Guiñez ng pabor na desisyon mula sa isang korte sa Nasugbu para palayasin ang mga Plata at maibenta ang lupa sa mga debeloper.
Ayon sa SDHA, mula nang itirik ang kampuhan ay umaani ito ng suporta sa mga kapwa mamamayan sa San Diego, mga kaibigan mula sa ibang bayan at mga alyado. “Nakapaglunsad na tayo ng sama-samang pagbibihis at pagmementina sa kampuhan, mga talakayan at iba pang mga aktibidad na nagpalakas pa lalo ng ating pagkakaisa,” anito.
Noong Oktubre 28, isang ligal na desisyon ang inilabas ng Court of Appeals kaugnay ng isinumiteng petisyon ng pamilya Plata. Ipinag-utos ng korte ang suspensyon sa kahit anong “judicial action” o hakbang ng mga korte kaugnay ng kaso. “Bagama’t wala pang kasiguraduhan ang pagpigil nito sa demolisyon, malinaw na naidulot ito ng sama-samang pagkilos nating mamamayan kasama ang mga pamilyang apektado,” ayon sa SDHA.
Patuloy naman ang paninidigan ng mga Guiñez, sa nangyaring muling paghaharap, na itutuloy nito ang pagpapalayas sa pamilya Plata mula sa naturang lupa. Palilipatin umano ang pamilya sa isang 300 metro kwadradong lote na binabaha at mahirap pasukin dahil sa panggigipit ng Rockwell Properties.
Napalayas na ng Rockwell Properties ang maraming residente ng katabing Sityo Tan-ag matapos bilhin ang mga lupain para sa itatayong Leisure Club at resort. Ganito rin ang dinaranas ng mga residente, magsasaka at mangingisda ng sityo Altura at Calaungan.
Pinapatag sa pagkukwari ng Rockwell Properties ang bundok ng San Diego. Itinatambak nito ang na-kwari na lupa sa mga sakahan na dahilan ng matinding pagbaha sa mga mabababang lugar. Dagdag banta rin sa mga residente ang maaaring pagsasapribado ng kalsada papunta sa dagat na makaaapekto tiyak sa lahat ng residente ng Barangay San Diego.
Samantala, binatikos ng mga grupo ang pagmamanman, intimidasyon at mapanggipit na mga hakbang ng Philippine National Police laban sa mga nagkakampuhan. “Senyales ito na may ingay na nalilikha ang kampuhan ng mamamayan sa ating barangay,” ayon sa SDHA.
The post Kampuhan kontra demolisyon, pagpapalayas sa Batangas, itinirik ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

