Huminto sa pagtatrabaho ang mga manggagawa sa mga daungan sa 22 bansa noong Oktubre 30 bilang sama-samang pagkilos laban sa henosidyo ng Zionistang Israel sa Palestine. Layunin ng pagkilos ang gambalain at harangin ang mga kargamentong pangmilitar, enerhiya at iba pang gamit na patungong Israel. Ayon sa mga ulat, umabot sa 113 daungan ang lumahok sa pandaigdigang pagkilos. Nagkaroon ng mga protesta at pagtigil ng trabaho sa mga daungan sa Greece, Italy at France, gayundin sa Oakland at San Francisco sa US.
Inilunad ang pagkilos ng No Harbor for Genocide, isang samahan ng mga unyon at grupo na naglayong pigilan ang paggalaw ng mga kargamentong pa-Israel na nagkakahalaga ng $2.8 bilyon. Tumagal ng 24 oras ang kanilang mga pagkilos. Nanawagan din ang mga manggagawa sa kani-kanilang mga gubyerno na itigil ang pagpapadala ng armas sa Israel.
Pangunahing giit ng mga manggagawa ang kagyat na pagtigil ng henosidyo ng Israel sa Palestine. Nanawagan din sila ng pagtatapos ng mga gera ng US-Israel sa Lebanon at Iran.
Nagpahayag sila ng mahigpit na pakikiisa sa mga mamamayan ng Cuba at Venezuela, gayundin sa mamamayan ng Sudan na gingipit ng imperyalismong US.
Ayon sa samahan, hindi dapat gamitin ang mga daungan sa pagdadala ng mga armas, bala, kagamitang militar at mga sundalo para sa henosidyo at imperyalistang gera. Nananawagan ito sa mga unyon sa mga daungan na paigtingin ang pagmamatyag, ilantad ang mga ibinabyaheng kargamentong pandigma, at mag-organisa ng malawakang kolektibong paglaban gamit ang lahat ng nararapat na paraan.
The post Mga manggagawa at unyon sa mahigit 100 daungan, naglunsad ng sama-samang pagkilos laban sa henosidyo ng Israel appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

