Muling nagsagawa ng protesta ang mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) sa kampus sa Maynila noong Oktubre 28 para ipanawagan ang pagbasura sa mga sangsyong ipinataw ng administrasyon laban sa apat na lider-estudyante. Noong Oktubre 10, isinuspinde ng UST nang mula apat hanggang 10 araw sina Sean Capalar, Dex Frogoso, Ralph Manuel, at Raven Racelis. Tinanggal din si Capalar bilang upisyal ng UST Central Student Council.

Pinatawan ang apat ng mapanupil na sangsyon kasunod ng kanilang protesta laban sa Philippine Air Force (PAF) na naglunsad ng eksibit sa kampus noong Abril. Kaugnay nito, pinaratangan silang apat na lumabag sa mga prinsipyo at mithiin ng unibersidad at dahil dito ay pagkakaitan ng “certificate of good moral character.”

Ayon sa Rise for Education Alliance (R4E)-España, hindi dapat maging dahilan ng panunupil ng administrasyon ng UST ang paninindigan ng sarili nitong mga estudyante. “Sa loob ng pamantasan, dapat malayang nakapagtatanong, nakapagsusuri, at nakikilahok ang mga estudyante sa mga usaping panlipunan nang walang pangambang maparusahan dahil sa kanilang mga pahayag,” ayon pa sa grupo.

Sa harap ng sangsyon, hinimok ng alyansa ang mga kapwa estudyante na sama-samang ipagtanggol ang karapatan ng bawat Tomasino. “Hindi hiwalay sa edukasyon ang kalayaang magpahayag at ang kakayahang suriin at kuwestiyunin ang mga institusyon ng kapangyarihan. Ang pamantasan ay para sa malayang pagkatuto, hindi para sa pananakot at militarisasyon,” anito.

Nakiisa sa protesta ng mga estudyante ng UST ang League of Filipino Students (LFS). “Ang pagtatangka ng estado na lumikha ng nakasisindak na pakiramdam sa mga estudyante ay paulit-ulit nang napatunayang walang bisa ng dumaraming bilang ng mga nagmamalasakit na estudyanteng patuloy na naninindigan para sa katarungan at sama-samang pagkilos,” anang grupo.

Bago pa man ang protesta, iba’t ibang organisasyon at institusyong pang-estudyante na ang nagpahayag ng suporta sa apat na estudyante.

Kabilang dito ang UST Central Student Council na nagpadala ng isang apela kay Pope Leo XIV na humiling sa kanyang masalita para sa karapatan ng mga estudyante na mapahayag ng kanilang paniniwala, tumindig laban sa mga isyung sa palagay nila ay hindi makatarungan at makisangkot sa mga desisyong binubuo sa loob ng mga Katolikong unibersidad. Ang UST ay tinaguriang isang “Pontifical University” na nangangahulugang nasa ilalim ng superbisyon ng santo papa at ng Vatican.

Nagpadala naman ng isang sulat ang mga alumni ng UST sa upisina ng Rector ng UST na si Rev. Fr. Richard Ang para magpahayag ng suporta sa apat na lider-estudyanteng pinatawan ng sangsyon. Anila, ang apat ay hindi lamang nagdusa sa ipinaaw na sangsyon kundi maging sa mga paninira sa social media, insulto, Red-tagging, at aksusyong inihahanda para masangkot sa terorismo.

Nanawagan sila kay Rev. Fr. Ang na ipaabot sa mga estudyante ang habag at pastoral na pagkalinga na nasa puso ng Katolikong pagkakakilanlan ng UST. “Ipinagmamalaki namin ang isang Alma Mater na nagtuturo na hanapin ang katotohanan, maglingkod sa iba, at ialay ang ating mga talento sa paglilingkod sa sangkatauhan. Dahil sa pagmamalaking iyon, at hindi sa kabila nito, kaya kami nagsasalita ngayon,” ayon sa sulat.

The post Mga estudyante ng UST, muling nagprotestaa kontra panggigipit appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.