Aktibong nilalabanan ng aktibista, kaanak, at mga Pilipinong komunidad na sa kasalukuyan ay ginigipit ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa US dahil sa interaksyon nila sa mga organisasyon sa Pilipinas. Bilang paraan ng paglaban, inilunsad nila ang Defend Peoples’ Right to Resist Campaign noong Oktubre 27 sa St. Marks Lutheran Church sa Baltimore, Maryland.
Kasabay ng paglulunsad ng kampanya ang press conferrence ng mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bayan USA, International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), Malaya Movement USA, at International League of People’s Struggles (ILPS). Nag-caravan ang mga grupo patungo sa embahada ng Pilipinas sa Washington DC upang maglunsad ng rpotesta bilang bahagi ng isang pambansang araw ng protesta. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa Washington State at sa North California.
Nitong mga nagdaang buwan, nakaranas ng panggigipit at panliligalig ang mga kaanak ni Christina Pasion, isang Filipino-American na aktibista na nakipamuhay sa mga magsasaka at katutubo sa Southern Tagalog at hinuli ng mga elemento ng AFP noong Hulyo 30.
Ayon sa kapatid ni Christina na si Gabe, matapos makulong ni Christina, madalas makatanggap ng tawag ang kanyang pamilya mula sa US Embassy sa Pilipinas at sa FBI. Pinupuntahan din ng FBI ang kanilang tahanan at pinagtatrabahuan na nagdulot ng takot at panliligalig sa kanilang pamilya.
“Mas pinaigting ng FBI ang panliligalig nito hindi lang sa aming pamilya, pinupuntirya nadin ang mga nagkukundena sa nararanasang inhustisya ng aking kapatid at sa mga nakikiisa sa sambayanang Pilipino at sa kilusan para sa pagpapalaya. Ang sabwatan ng gubyerno ng US at Pilipinas sa panghaharas sa aking pamilya ang kanilang tugon sa paglilingkod ng kapatid ko sa sambayanang Pilipino,” paliwanag ni Gabe.
Nakaranas din ng panggigipit mula sa gubyerno ng US si Gordon Mutch, lider ng ICHRP-US. Isa sya sa mga pinagbawalang makapasok sa Pilipinas dahil sa kanilang pakikiisa sa sambayanang Pilipino. Noong Setyembre, hinarang siya ng U.S. Customs and Border Protection (CBP) at kinunpiska ang kanyang mga elektronikong kagamitan. Hinawakan siya ng apat na oras at hindi pinayagang kumausap ng abugadao o tumawag. Tumatawid siya noon mula US patungong Canada para dumalo sa isang komperensya hinggil sa karapatang-tao.
Ayon kay Julie Jamora, lider ng Malaya USA, hindi magkakahiwalay na pangyayari o pag-atake lamang sa iilang indibidwal ang naranasan nila Christina at Gordon. Ito ay bahagi ng isang koordinado at estratehikong plano ng mga rehimeng Marcos Jr at Trump upang supilin ang mga kilusan ng mamamayan at ang demokratikong karapatan ng mamamayan na lumaban.
The post Panggigipit ng FBI sa mga Pilipinong aktibisita at kanilang kaanak, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

