Nakatanggap ng ulat ang aming upisina hinggil sa teroristang pamboboma ng 8th Infantry Division sa pamamagitan ng yunit nito na 52nd Infantry Battalion sa kanayunan ng Barangay Jicontol, Dolores, Eastern Samar noong Oktubre 28. Tinarget umano ng pag-atakeng ito ang isang yunit ng New People’s Army. Kinukundena namin ang muling paggamit ng labis-labis na dahas sa armadong labanan at ang pinsalang dinudulot nito sa palibot na komunidad.
Sa ‘di kalayuan, isinasagawa ngayon ang Kasangga 2026-02 war games sa Hinabangan, Samar at nilahukan ng mahigit 200 tropa ng Pilipinas at Australia. Ayon mismo sa 8th Infantry Division, kabilang sa pagsasanay ang operasyong intelidyens, suportang pamutok, operasyong sibil-militar, at jungle warfare. Hindi imposibleng lumahok din sa teroristang pambobomba ang mga tropang Australian na kabilang sa war games. Tahasan itong paglabag sa kasarinlan ng Pilipinas.
Limang taon pa lamang ang nakararaan nang maghulog din ng tone-toneladang bomba ang 8th ID sa Barangay Osmeña, na kalapit lamang ng Barangay Jicontol, upang paslangin ang 22 Pulang mandirigma. Karamihan sa magigiting na martir na ito ay tubong Dolores, ngunit hanggang ngayon ay binubulabog pa rin ng militar ang kanilang mga komunidad. Noon lamang Abril ay tatlong magsasaka sa Sityo Canrumbay, Barangay Jicontol ang nagreklamo sa NPA tungkol sa ilang taong panghaharas at pambabanta sa kanila ng 52nd IB. Paulit-ulit silang pinipilit na maging ahente militar kahit na mga sibilyan sila. Hindi sila makapagreklamo sa reaksyunaryong gubyerno at napilitang iwan ang kanilang mga pamilya.
Matapos ang limang taong panghahalihaw ng militar, lugmok pa rin sa kahirapan ang mga taga-Eastern Samar. Umaasa pa rin ang mga taga-Jicontol at mga kalapit na barangay sa mga atrasadong paraan ng pagkokopras at pagtatanim ng palay. Lalo pang bumababa ang kanilang produksyon hindi nalang dahil sa monopolyo sa lupa, kalamidad at kawalang suporta ng gubyerno, kundi dahil na rin sa arbitraryong pagbabawal ng militar ng pagsaka tuwing may operasyong kombat. Pinipilit sila ng 52nd IB na makuntento sa ilang kilong bigas at delata tuwing may ipinapataw na “lockdown.”
Muli na namang idinadahilan ng pasistang militar ang pagkalat umano ng command-detonated explosives (CDX) upang bigyang-tuwid ang pambobomba sa komunidad ng magsasaka. Patuloy na iginigiit ng rebolusyonaryong kilusan na ang mga CDX na ginagamit ng NPA ay tahasang pinahihintulutan ng Ottawa Treaty. Eksakto itong inaasinta at pinapuputok ng isang Pulang mandirigma laban sa isang armado at kumpirmadong target sa isang limitadong radius.
Hindi kapani-paniwala ang palusot ng 52nd IB lalo’t sa nakaraang taon ay isinagawa ng mga yunit ng NPA ang ilang pagbabago sa moda ng pagkilos nito, bagay na nagresulta sa napakataas nilang mobilidad. Hindi magiging praktikal para sa kanila na magpakat ng napakaraming CDX sa palibot ng isang kampong ‘di katagalan ay kanila ring lilisanin.
Paulit-ulit na sinasabi ng 8th ID na wala na raw NPA sa Eastern Visayas kasabay ng iba pang mga pagmamaliit sa rebolusyonaryong kilusan. Kaliwa’t kanan ang mga pagsurender, pagnyutralisa, at deklarasyong “stable internal peace and security condition.” Ngunit hindi naman nabawasan, bagkus dumami pa ang mga panagupang batalyong nakadeploy laban sa NPA. Patuloy ang paggamit nila ng sobra-sobrang lakas, ng lubhang mapaminsalang mga armas at bomba, nang walang pagtatangi sa armado at di armado, sa mayroon o walang kakayanang lumaban, o sa combatant mula sa sibilyan.
Naturingang kauna-unahang babaeng kumander ng batalyon si Lt. Col. Sandy Sereño ng 52nd IB, ngunit tagapagmana pa rin siya ng pasista at uhaw-sa-dugong tradisyon ng Armed Forces of the Philippines. Duguan ang kanyang rekord ng walang habas na pagpaslang at pagdulot ng troma at pinsala sa hanapbuhay ng mga taga-Dolores. Anumang sinsilyong ayuda ay hindi makapapawi rito.
Hinihimok namin ang mamamayan ng Eastern Visayas na makiisa sa pagkundena sa walang pakundangang pambobomba ng 8th ID sa rehiyon. Dulot nito ay takot at paggambala sa komunidad ng mga magsasaka. Dapat kagyat na lisanin ng mga pasistang tropa ang mga baryo at hayaan silang makapaghanapbuhay nang mapayapa.
The post Kundenahin ang pambobomba ng 8th ID sa Dolores, Eastern Samar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

