Habang nakatipon ang mga upisyal ng depensa ng mga bansang bahagi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ng US sa Lapu-Lapu City sa Cebu, nagtipon naman ang mga aktibista sa Freedom Park sa Cebu City noong Oktubre 28 upang tutulan ang pagbisita ni US Defense Secretary Pete Hegseth sa bansa.

Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas at mga kaalyado nitong organisasyon ang aktibidad. Ayon sa Bayan, pinagtibay ng pagdating ni Hegseth ang papel ng estado ng Pilipinas bilang sunud-sunuran sa “makinaryang pandigma ng US at kasabwat sa pandarambong nito.”

“Malinaw sa amin na ang layunin ng pagbisitang ito [ni Hegseth] ay gawing lunsaran ng mga operasyon ang Pilipinas—isang himpilan nila para sa mga digmaan laban sa ibang bansa,” pahayag ni Jaime Paglinawan, tagapangulo ng Bayan-Central Visayas. Nanawagan siya na wakasan ang mga di-patas at mapagsamantalang kasunduan ng US at Pilipinas.

Sa Quezon City, nagprotesta sa araw ding iyon ang kababaihan laban sa planong Pax Silica na tiyak silang itutulak ni Hegseth habang nasa bansa. Itinaon nila ang pagkilos sa National Women’s Day of Protest bilang paggunita sa pagkilos noong 1983 na nilahukan ng mahigit 10,000 kababaihan laban sa diktadurang US-Marcos at para sa demokrasya at mga karapatan.

Kasabay nito, naglunsad ng protesta ang mga estudyante ng University of the Philippines Diliman para ipanawagan ang pagpapalayas sa mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Kinundena nila ang planong pagtatayo ng US ng Pax Silica hub, na banta sa mga sakahan, komunidad ng mga Ayta, at mga pinagkukunan ng tubig at enerhiya. Tinawag nilang kriminal sa digmaan si Hegseth at ang amo niyang si US President Donald Trump.

Kilala si Hegseth sa pag-uutos ng pambobomba sa isang paaralan sa Minab, Iran, na ikinamatay ng 120 bata. Kilala rin siya sa walang habas na pambobomba sa mga sasakyang-dagat sa Caribbean na inaakusahan ng US na sangkot sa drug trafficking.

Nagkakaisa ang mga grupo sa paninindigang “hindi welcome” si Hegseth sa Pilipinas at nananawagan sila na kagyat siyang paalisin sa bansa. Nananawagan din silang labanan si Trump, na nakatakdang dumating sa bansa para sa ika-50 pulong ng ASEAN sa Nobyembre.

Samantala, kinundena ng mga magbubukid ang pagtutulak ni Hegseth sa adyenda ng US sa kapinsalaan ng mga magsasaka at mamamayang Pilipino.

“Hindi peacemaker si Hegseth. Isa siya sa mga pangunahing upisyal ng makinaryang pandigma ng US sa ilalim ni Trump, na pumatay ng mga sibilyan at puminsala sa mga komunidad. Pag-insulto sa ating mamamayan ang presensiya niya sa Pilipinas, habang lalo pang binubuksan ni Marcos ang ating teritoryo sa pakikialam ng militar ng US,” ayon kay Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Aniya, pinatitibay ng kanyang pagbisita ang pagsisikap ng US na palawakin ang presensyang militar nito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga armas, magkasanib na pagsasanay, at koordinasyon sa operasyon—na mas malalim na kumakaladkad sa Pilipinas sa mga sigalot sa rehiyon, lalo na sa South China Sea at Taiwan.

Kinundena rin ng grupo ang pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US.

“Ipinagbibili ni Marcos ang ating soberanya sa larangan ng militar at ekonomya,” ayon naman kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP. “Gusto ng US na magkaroon ng akses hindi lamang sa ating teritoryo para sa makinaryang pandigma nito, kundi pati sa ating mga likas na yaman.”

Samantala, noong Oktubre 29 ay naglunsad ng rali ang mga progresibong grupo sa harap ng embahada ng US para kundenahin ang paggamit ng US bilang lunsaran ng digmang agresyon. Sa kabila ng mapayapang protesta, pinalibutan ang mga grupo ng mga armadong tauhan ng estado at mga ahenteng paniktik nito.

The post Mga protesta, sumalubong kay Hegseth sa Cebu at Maynila appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.