Nakapagtapos ng pag-aaral sa Intermedyang Kurso ng Partido (IKP) nitong Oktubre ang ilang myembro ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command). Inilunsad ang pag-aaral para mapataas ang pampulitikang kamulatan ng yunit. Ang IKP ang intermedyang kurso sa Tatlong Antas na Kurso ng Partido.
Tumagal nang siyam na araw ang inilunsad na pag-aaral na masigasig at masiglang nilahukan ng mga instruktor at estudyante. Naging tampok sa kurso ang pag-aaral sa mga karanasan ng iba’t-ibang bansa na mahahalawan ng mga aral sa pag-abante ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas.
“Mas naging determinado ako na paghusayan ang mga tungkulin na ipinagkatiwala ng Partido sa akin ngayon na napag-aralan namin ang naging praktika ng mga bansang nagsulong din ng rebolusyon para sa kalayaan,” ayon kay Ka Inah, isa sa mga estudyante. Nagbahagi naman ng kanilang pananaw ang mga mandirigmang nagmula sa iba’t ibang uri at sektor sa kanilang mga karanasan sa pag-oorganisa.
Ayon kay Ka Lual, isa sa mga instruktor sa pag-aaral, ang IKP ay nakatulong sa pag-armas sa mga kadre ng Partido para patuloy na gampanan ang rebolusyonaryong tungkulin. “Laluna sa kung paano nila haharapin ang mga problema na kaakibat ng rebolusyon sa konteksto ng kasalukuyang kilusang pagwawasto,” aniya.
Sa pahayag ng Komite Sentral ng Partido noong Disyembre 2023, idiniin nito ang lubos na pagpapatupad sa Tatlong Antas na Kurso ng Partido bilang bahagi ng kilusang pagwawasto. Mula ito sa natukoy ng pamunuan na problema sa “hindi sustenidong pagsisikap sa gawaing edukasyon.”
Nagawang ligtas na idaos ang pag-aaral sa kabila ng walang tigil na operasyon ng pasista at berdugong militar sa eryang pinaglunsaran. Tinapos ang aktibidad sa pagtatanghal ng mga rebolusyonaryong awiting Hiligaynon, Cebuano, Waray at Pilipino.
The post Mga Pulang mandirigma ng BHB-South Central Negros, nagtapos ng pag-aaral sa IKP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

