Sinugod ng mga patriyotiko at maka-kalikasang grupo sa labas ng Conrad Manila, isang mamahaling hotel sa Pasay City, noong Oktubre 27 kung saan isinasagawa ang Mining Philippines International Conference and Exhibition 2026 na may temang “From Global Trend to National Strategy: Developing the Philippines’ Critical Minerals Playbook.” Ang kumperensya ay inorganisa ng Chamber of Mines of the Philippines (CMP) na nilahukan ng mga kumpanya sa mina, mamumuhunan, mga upisyal ng gubyerno, at mambabatas para “hubugin ang kinabukasan ng industriya” mula Oktubre 27-28.

Sa pangunguna ng Kalikasan People’s Network for the Environment, kinundena ng mga nagprotesta ang mga korporasyon sa mina at ang rehimeng Marcos sa adyenda ng todong pandarambong sa kalikasan. Sinalubong sila ng panunulak, pananakit at paninindak ng mga tauhan ng Philippine National Police. Nakipaggitgitan sila sa mga pulis para maisagawa ang programa malapit sa hotel.

Inilunsad ng CMP ang kumperensya nang may pagkalugod sa Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act at patakaran ng rehimeng Marcos para sa pinadaling pagmimina ng mga dambuhala at dayuhang korporasyon sa bansa. Pinuri rin ng mga mandarambog ang hungkag na programa ng rehimen para diumano sa “responsableng pamumuhunan sa pagmimina.”

Sa kumperensya, kabilang sa mga pinaksa ng talakayan ang balangkas ng inilabas na Executive Order 122 ni Marcos na ibayong nagtulak ng liberalisasyon ng pagmimina. Layunin nitong alisin ang lahat ng regulasyon sa pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, upang pabilisin at padaliin ang proseso para sa pagpasok ng mapangwasak at mapandambong nitong operasyon.

Alinsunod ang kautusan ni Marcos sa pagtatayo ng Pax Silica hub ng US sa Tarlac. Layunin ng US na agawin o ipagkait sa China ang pinagkukunan at pagpoproseso ng “critical minerals” at “rare earth elements”—mga hilaw na materyales sa produksyon ng mga semikonduktor, baterya at iba pang pyesang elektroniko para sa “artificial intelligence” at mga sandatang pandigma.

Kabilang rin sa mga tinalakay sa kumperensya ang relasyon ng mga korporasyon sa mina, mga pamayanan ng pambansang minorya at ng kanilang Free, Prior and Informed Consent (FPIC) kaugnay ng lupang ninuno. Matatandaan na noong Mayo ay binago ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang proseso ng FPIC na ayon sa mga pambansang minorya ay lalong nagpahina at nagpalabnaw sa proseso. Pinuna ito ng mga grupo na higit na magbubukas ng daan para sa malalaking mapagsamantalang negosyo na pumasok sa mga lupang ninuno, kagubatan, at mga teritoryong mayaman sa biodiversity nang hindi dumadaan sa tamang pagsusuri.

“Sa tabing ng mga pangako ng ‘sustainability’ at ‘inklusibong kaunlaran’ ay nakatago ang neoliberal na patakaran na nagbibigay prayoridad sa akses ng dayuhan at korporasyon sa likas na yaman sa halip na sa mga karapatan ng komunidad at ng kakayahan ng ekonomya ng bansa na makatindig sa sarili,” ayon sa Kalikasan. Malaking kabalintunaan ang pagpapanggap ni Marcos na maka-kalikasan gayong ibinubuyangyang ang Pilipinas sa ibayong pagmimina, anito.

Nanawagan ang Kalikasan sa mga Pilipino na tumindig para sa kalikasan at patrimonya ng bansa at ipanawagan ang pagbabasura sa mga patakarang tulad ng EO 122 at pagkalas sa Pax Silica.

The post Rali kontra kumperensya sa pagmimina sa Pasay City, inilunsad ng mga patriyotikong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.