Sa isang press conference noong Oktubre 24, kinundena ng katutubong Molbog, kasama ang mga nagtatanggol sa kalikasan at progresibong grupo, ang konstruksyon ng base militar ng US sa ilalim ng ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa kanilang lupang ninuno sa Barangay Catagupan, Balabac, Palawan. Kasabay nilang kinundena ang huwad na National Greening Project (E-NGP) ng Department of Environment and Natural Resources.
Ayon kay Emanuel San Esteban at Anjilon Flores, mga lider-katutubo, tinutulan na ng kanilang komunidad ang pagtatayo ng EDCA air base noon pang unang lumapit ng NCIP sa kanila tungkol dito. Ito ay dahil sasaklawin ng itatayong air base ang 300 ektaryang lupaing ninuno kung saan naroon ang kanilang tirahan, banal na lugar ng panalangin, at mga libingan.
Kinwestyon ng mga Molbog ang pamamahala ng NCIP sa proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC). Anito, ang kinunsulta ng ahensya ay ang mga katutubo mula sa ibang komunidad. Malinaw ang pagtutol ng mga direktang apektado ng proyekto.
Samantala, ibinahagi ng komunidad ang kanilang pagkabahala sa proyektong E-NGP sa kanilang lupain na walang iba kundi pang-aagaw ng kanilang lupa. Pinalalabas ng DENR na ang proyekto ay magsisilbing carbon offset para sa mga punong itinumba ng Ipilan Nickel Corporation para sa mga operasyon nito sa pagmimina sa Brooke’s Point, Palawan.
Bilang pagtatapos ng aktibidad, pinunit ng mga kalahok ang watawat ng US bilang pagpapahayag ng kanilang galit sa nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa ASEAN Summit.
The post Pagtatayo ng EDCA site sa Palawan, tinututulan ng mamamayang Molbog appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

