Binatikos ng grupo ng pambansang minorya na Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang maling prayoridad ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) kasunod ng anunsyo ng ahensya para sa isang “logo contest.” Ayon sa grupo, sa halip na asikasuhin ng ahensya ang mga usapin ng katutubong mamamayan para sa lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya ay mga palamuting patimpalak ang ginagawa nito.

Noong Oktubre 16, nag-alok ang NCIP ng ₱50,000 papremyo para sa itatanghal na panalo sa isang logo-making contest. Ang patimpalak ay bahagi ng pagdiriwang ng ahensya sa Indigenous Peoples’ Month at anibersaryo ng kontra-katutubong Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA).

Kasabay ng pagbatikos ng Katribu sa patimpalak, inilabas ng grupo ang ginawa nitong bersyon ng logo ng NCIP na nagpapangalan dito bilang “National Commission on Imperialist Plunder.” Ang gawang logo ay ikinomento ng mga myembro at tagasuporta ng Katribu sa Facebook post ng NCIP.

Sa ginawang logo ng grupo, makikita ang mukha ng pangulo ng imperyalistang US na si Donald Trump at tuta nitong pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos Jr. Nasa palibot ng dalawang personahe ang mga larawan at simbolo ng militarisasyon, pandarambong ng mga korporasyon, at pagpapalayas sa mga pambansang minorya sa lupang ninuno.

“Ito ang tunay na kulay ng NCIP: isang ahensya na ipinakikita ang sarili bilang protektor ng katutubong mamamayan habang nagsisilbing kasabwat sa pangungurakot at pandarambong sa ating lupang ninuno,” pahayag ni Funa-ay Claver, pangkalahatang kalihim ng Katribu. Inihayag niyang hindi kailangan ng mga pambansang minorya ng simboliko at palamuting mga hakbang at kampanya mula sa NCIP, sa halip ay kongkretong hakbang para ipagtanggol ang kanilang mga karatapan, lupa at kabuhayan.

Sa nagdaang mga buwan, malakas ang tinig ng pambansang minorya laban sa mapangwasak na pagmimina at proyektong pinopondohan ng mga dayuhan at itinutuluak ng mga korporasyon. Kabilang dito ang pagtindig ng mga Ayta sa inisyatibang Pax Silica ng US na nagbabalak magtayo ng isang economic and security hub sa Capas, Tarlac.

The post ₱50,000 papremyo para sa bagong logo ng NCIP, binatikos ng grupo ng pambansang minorya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.