Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao sa Southern Mindanao ang panunugis at panliligalig ng militar noong Oktubre 24 kay Marklen Lariosa, anak ng desaparesidong si William Lariosa. Dalawang hinihinalang ahente ng militar na sakay ng motorsiklo ang naghanap kay Marklen sa kanyang bayan na pinagmulan.
Ayon sa ulat, dalawang lalaki na nagpakilalang mga “tagakolekta,” ang nagtanong sa kapitbahay ng pamilyang Lariosa para sa dirkesyon ng bahay ni Marklen. Nang itinuro ng kapitbahay ang direksyon, sa halip na puntahan ito ay umalis ang mga nakasakay ng motorsiklo. Dahil sa kahina-hinalang kilos ng dalawa, ipinaalam ng kapitbahay kay Marklen ang pangyayari.
Ayon sa Karapatan-Southern Mindanao, ang insidente ay lantarang intimidasyon laban kay Marklen na patuloy na nagsasalita at nananawagan ng paglilitaw sa kanyang ama. Si William, isang lider-manggagawa, ay dinukot ng mga pwersa ng estado noong Abril 10, 2024 sa Quezon, Bukidnon.
“[Ang insidente] ay nagdudulot ng seryosong pangamba hinggil sa mga pagtatangkang patahimikin ang mga myembro ng pamilya ng mga desaparesido at pigilan silang manawagan ng pananagutan sa estado,” pahayag ng Karapatan-Southern Mindanao. Dagdag ng grupo, nilalabag nito kalayaang magpahayag at karapatang-tao ng mga pamilya.
Pagtatanggol sa karapatang-tao
Sa patuloy na paghahanap ng pananagutan at pagtatanggol sa karapatang-tao, inilunsad ng mga grupo ng Southern Mindanao ang kampanyang “Resist!” noong Oktubre 21 sa Davao City. Ang kampanyang Resist! ay isang inisyatiba na layuning tugunan ang mga insidente at kaso ng pampulitikang panunupil laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, progresibong aktbista, at mga myembro ng komunidad sa Southern Mindanao.
“Ang kampanya ay isang mahalagang kolektibong pagsisikap para ilantad at idokumento ang mga pag-abuso sa karapatang-tao, hamunin at tuluy-tuloy na ilantad ang patuloy na paninira ng estado sa aktibismo bilang terorismo, humingi ng pananagutan at mga ligal na lunas, at patatagin ang pagkakaisa sa mga komunidad, organisasyon ng civil society, mga propesyonal, at iba pang kaalyado,” pahayag ng Karapatan-Southern Mindanao.
Mula 2023 hanggang 2026, naitala ng grupo ang hindi bababa sa 182 kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa rehiyon. Ipinakikita umano ng datos na ito ang kagyat na pangangailangang palakasin ang pagtatanggol sa karapatang-tao sa rehiyon.
“Palakasin sana ng kampanyang ito ang ating kolektibong kapasyahang labanan ang mga atake, manawagan ng hustisya, at panagutin ang mga maysala,” ayon sa grupo.
The post Anak ng desaparesido sa Southern Mindanao, tinutugis ng militar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

