Nakiisa ang patriyotikong grupo na Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa mamamayang Japanese sa pagkundena sa US-Japan Keen Sword war games na inilulunsad sa Japan mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 29. Binatikos rin ng Bayan ang paglahok ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naturang war games.
Ang US-Japan Keen Sword ay nilalahukan ng tinatayang 45,000 tauhan ng Japan Self-Defense Force, 11,000 tropa ng US, mga pwersa mula Australia, Canada, France, Germany, the Netherlands, New Zealand at Pilipinas. Nagsisilbi ring obserber ng war games ang mga upisyal mula sa South Korea at United Kingdom.
Ginagamit sa war games ang 6,100 sasakyang pandigma, 40 barko at 260 sasasakyang panghimpapawid. Unang beses ring gagamitin ng Japan ang Type 25 surface-to-ship missile nito na kayang magpaputok ng hanggang 1,000 kilometro. Dinala rin ng US sa Japan ang NMESIS ground-based offensive anti-ship missile system, MADIS short-range surface-to-air system, at ang HIMARS mobile rocket launching system nito para sa war games.
Ito na ang ika-18 pagkakataong inilunsad ang naturang war games ng US at Japan. Kabilang sa mga sinasanay dito ang depensang panghimpapawid at kontra-misayl, pagtatanggol at pagsasasayos sa mga pasilidad, lohistika at pagdadala ng bagong suplay, pagpapabakwit at operasyong pandagat. Ang mga ito ay inilulusot sa tabing ng pagpapanatili sa “kapayapaan at istabilidad” sa rehiyon.
Hindi nagpapaloko ang Bayan sa pagdadahilang ito. “Ang mga ito ay mapang-upat na pagsasanay militar na nagpapatindi ng tensyon sa rehiyon at sumasalamin sa lumalalang militarisasyon ng US at ng mga kaalyado nito,” pahayag ng grupo.
Kasuklam-suklam rin umanong inilulunsad ang war games sa Japan matapos lamang ang ilang linggo nang isinakdal ang isang sundalong Amerikano sa pagpatay sa isang babaeng Japanese. “Hindi ito nahihiwalay na insidente at sa halip ay pinakahuling manipestasyon ng marahas na epekto ng pagbabase at okupasyong militar ng US sa Japan,” ayon sa Bayan.
Binatikos ng grupo ang iresponsableng pagpapadala ng rehimeng Marcos ng delegasyon sa Keen Sword at lumahok sa war games na itinataguyod ng mga dating mananakop ng Pilipinas. Ayon pa sa grupo, halos magkakatulad ang mga armas na ginamit ng Japan at US sa Keen Sword war games sa inilunsad na Balikatan war games sa Pilipinas noong Abril at Mayo.
“Ang parehong mga armas ang ginagamit sa Keen Sword na nagbabanta sa seguridad sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa US na ilagak ang mga kagamitang pandigma nito at gawing lunsaran ang mga komunidad para sa pagpapakitang-gilas militar laban sa mga geopulitikal nitong karibal,” ayon sa Bayan. Ang mga armas na ito ang gumambala sa kabuhayan ng mga Pilipino, sumira sa kalikasan at nagsapanganib sa sibilyang populasyon.
Para wakasan ang siklo ng karahasan at pagsasapanganib sa mga mamamayan, nanawagan ang Bayan ng pagkakaisa para buwagin ang mga base militar ng US, paglayasin ang mga tropang Amerikano, at pagkansela sa mga war games tulad ng Keen Sword at Balikatan. “Ang mamamatay-taong pwersang militar [ng US] ay dapat palayasin mula sa ating mga komunidad,” ayon sa Bayan.
The post Paglahok ng tropa ng Pilipinas sa US-Japan Keen Sword war games, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

