Inianunsyo kamakailan ng Compatriots, rebolusyonaryong organisasyon ng mga kababayang Pilipino sa ibayong dagat, ang pagkakabuo ng unang balangay nito sa loob ng Australia. Ang balangay, na tinawag na Compatriots-NDFP Sierra Madre, ay itinatag sa isang pagtitipon noong Oktubre 16.

Ang Compatriots ay isang alyadong organisasyong ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sumusuporta ito sa armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at lumalahok sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Naghalal ng mga upisyal ang balangay na mangunguna sa pagpapalakas ng kanilang hanay sa saklaw na erya. Magkakasama ring sumumpa ang mga dumalo sa pagtitipon na maglilingkod sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Ayon sa Compatriots-NDFP Sierra Madre, maraming kababayan sa Australia ang natutulak magtrabaho bilang migranteng manggagawa dahil sa lumulubhang kundisyon ng lipunang Pilipino. “Ang nagpapatuloy na imperyalistang pandarambong sa ating bayan na nagresulta sa export-oriented at import-dependent na ekonomya ay nagtutulak sa mga Pilipino na maghanap-buhay sa ibang bansa,” ayon sa grupo.

Kasabay umano ng pangingibang-bayan ang dinaranas ng mga kababayan natin na pagsasamantala at pang-aabuso mula sa mga empleyado at ahente sa migrasyon. “Lalo pa itong pinalalala ng mga patakarang neoliberal ng estado ng Pilipinas at gubyerno ng Australia,” anito.

Nanawagan ang balangay sa mga kababayang migranteng manggagawa sa Australia na isulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang tugon sa pampulitikang ligalig at krisis sa ekonomya na kinahaharap ng mga Pilipino. “Sa pamamagitan lamang ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan magagawang palayain ng mga migranteng Pilipino ang kanilang sarili mula sa sapilitang migrasyon,” ayon sa grupo.

The post Lokal na balangay ng Compatriots sa Australia, itinatag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.