Nasalpukan sa ere ang dalawang SIAI-Marchetti SF-260 ng Philippine Air Force (PAF) habang nagsasanay sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas noong Oktubre 23 ng hapon. Apat na tropa ng PAF ang namatay sa naturang insidente.

Tulad sa nakaraang mga insidente, inanunsyo ng PAF at ng mga tauhan ng US National Transportation Safety Board (NTSB) ang naging dahilan ng salpukan. Pansamantala nang ipinatigil ang paggamit sa nalalabing SF-260 Marchetti (SF-260FH at SF-260TP) habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ang insidente ay limang buwan lamang makalipas ang pagbasak rin ng katulad na SF-260 noong Mayo sa Tuba, Benguet. Ang bumagsak na sasakyang panghimpapawid sa Benguet ay nagmula sa Batangas na patungo sanang Baguio City para sa isang long-range navigation. Matapos ang insidente ay pansamantalang ipinatigil ang paggamit sa noo’y 16 pang natitirang SF-260.

Noong 2023, naiulat rin ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pagbagsak ng SF-260 sa Batangas at Bataan. Dalawang piloto ang namatay habang isa ang nasugatan sa mga insidenteng iyon.

Ang serye ng mga eroplanong pansanay na SF-260 ng Pilipinas ay nagsimulang bilhin at gamitin noon pang dekada 1970. Ilang dekada itong ginamit bago sinimulang palitan noong 1993. Muling bumili ang PAF ng pamalit na eroplanong pansanay noong 2008 na naideliber sa Pilipinas at nagamit ng PAF noong 2011.

Ang pinakahuling binili ng PAF ang mga SF-260FH na kabilang sa mga kasalukuyang aset na ginagamit nito. Nabili ito ng ₱621.7 milyon mula sa sosyohan ng Asian Aerospace at Alenia Aermacchi S.P.A. Pinondohan ito ng estado ng bilyun-bilyon sa ilalim ng Capability Upgrade Program ng AFP Modernization Program.

Ang mga sinasanay na tropa ng PAF gamit ang mga SF-260FH ay inihahanda sa mga “abanteng misyon” sa hinaharap. Karaniwan silang sinasanay para lumahok sa mga war games na inilulunsad ng PAF kasama ang US, at mga pambobomba sa kanayunan sa ilalim ng kampanyang kontra-insurhensya.

The post 2 lumang eroplanong pansanay ng PAF, nagsalpukan sa ere sa Batangas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.