Muling nagtungo sa mga komunidad ng Ayta sa Capas, Tarlac ang mga patriyotikong grupo na bahagi ng Network Opposed (NO) to Pax Silica noong Oktubre 24 para makiisa sa pagtindig ng mga komunidad laban sa Pax Silica. Inikot nila ang ilang lokasyon sa bayan kung saan itinatayo na ang mga kalsada, at ang pagkukunan ng tubig ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) para sa proyekto.

Ang itatayong Pax Silica hub o economic security zone (ESZ) ay sasakop sa 1,620-ektarya ng lupain sa New Clark City sa Capas. Ituturing ito bilang “AI-native industrial acceleration hub” na eksklusibo para sa mga kumpanya ng US at sa mga iimbitahan nitong kaalyado.

Itatayo dito ang “artificial intelligence hub”, mga data center at iba pang imprastruktura. Mangangailangan ng malaking bolyum ng “ultrapure water” ang mga data hub, at suplay ng kuryente na hindi bababa sa 5 gigawatts para sa buong security zone. Palalayasin ng mga itatayong imprastruktura ang mga katutubong Ayta at magsasaka ng Capas.

Ikinwento ng mga Ayta at magsasaka mula sa Sityo Manabayukan at Sityo Binyayan ang dinanas nilang panggigipit at pagpapalayas ng BCDA. Pinatunayan ng kanilang mga salaysay at aktwal na pagbisita ng NO to Pax Silica sa lokasyon ang mga kaso ng pangangamkam ng lupa, pagpapalayas, pagsira sa kalikasan at iba pang negatibong epekto ng proyekto.

Ayon kay Cathleen de Guzman, isa sa mga lider ng NO to Pax Silica, malakas ang pagtutol ng mga Ayta at patriyotikong grupo sa Pax Silica ngunit hindi nakikinig ang rehimeng Marcos. “Sa halip na makinig sa reklamo at sentimyento ng mga lokal na komunidad, ang BCDA ay nagsisikap na ikundisyon ang utak nila para paniwalaing wala na silang ibang pagpipilian kundi lisanin ang mga komunidad at isuko ang kanilang mga lupa,” ayon kay de Guzman.

Sa mga ulat, sinasabing sisimulan ng BCDA ang relokasyon sa mga Ayta at magsasaka pagpasok ng 2027. Patuloy rin ang pangmamaliit ng BCDA sa reklamo ng mga komunidad laluna at nasa 50 kabahayan lamang ang pinalalabas nitong maaapektuhan at mapalalayas. Ayon sa mga lider-Ayta, malaking kasinungalingan ang sinasabi ng BCDA.

Ayon kay Apung Petronila, pinuno ng mga Ayta sa Sityo Sapang-Kawayan, ay mayroong mahigit 900 residente. “Napakalawak ng lupain namin, may bahay at sakahan tapos papatirahin kami sa 30 square meter lugar na parang posporo. Busabos ang turing sa amin,” aniya.

Kasabay ng mga pag-usad at hakbang ng rehimeng Marcos at BCDA sa pagtatayo sa Pax Silica hub sa Tarlac, tuluy-tuloy rin ang magiging kampanya ng NO to Pax Silica para ilantad ito at himukin ang mas marami pang patriyotikng grupo at Pilipino na makiisa sa laban. Naghahandang kumilos ang network sa darating na Nobyembre sa pagdating ni US President Doland Trump sa Pilipinas.

Darating si Trump sa bansa kasabay ng ilulunsad na ASEAN Summit. Inaasahanag pipirmahan niya at ni Marcos ang pinal na balangkas para sa itatayong Pax Silica hub kasabay ng pagbisita.

The post Mga komunidad ng Ayta na palalayasin ng Pax Silica hub, binisita ng mga progresibong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.