Naglunsad ng apat na araw na “pork holiday” o tigil-benta ng baboy ang mga grupo ng magbababoy sa Pilipinas noong Oktubre 22-25 bilang pagtutol sa walang-rendang importasyon ng baboy sa bansa. Bilang bahagi ng kanilang kolektibong aksyon, tinatayang 1,000 magbababoy mula sa iba’t ibang prubinsya ang nagprotesta sa pambansang upisina ng Department of Agriculture sa Quezon City noong Oktubre 23.
Anila, ikinalulugi nila ang patakaran ng gubyerno sa importasyon at nanawagan ng pansamantalang pagpapatigil nito sa loob ng apat na buwan. Itinutulak rin nila ang mas mataas na taripa sa imported na karne. Ayon sa ulat, tinatayang ₱350 milyon ang nalulugi araw-araw sa mga lokal na magbababoy dahil sa mataas na gastos sa produksiyon at kompetisyon mula sa imported na baboy.
Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, umabot na sa 602,655 metriko toneladang (MT) karne ng baboy ang inangkat ng gubyerno, 5.16% mas mataas kumpara nakaraang taon sa parehong panahon. Dagdag pa rito ang inimport na karne ng manok na 369,926 MT.
Kasabay ng pagbuhos ng imported na karne, bumulusok ang presyo ng pagbili ng karneng baboy mula sa mga magbababoy sa maraming rehiyon sa bansa. Mula sa dating abereyds na ₱172/kilo sa ikalawang kwarto ngayong taon at ₱211/kilo noong 2025, nasa ₱90-₱120/kilo na lamang ang presyo nito ngayon. Luging-lugi ang lokal na mga magbababoy sa ganitong presyuhan.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa protesta at pagkilos ng mga magbababoy ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Tinuligsa ng KMP ang rehimeng Marcos at nagdaang mga rehimen sa deka-dekadang liberalisasyon sa agrikulutral na sumira sa mga lokal na industriya.
“Wasto lamang na magprotesta ang mga magbababoy laban sa mga patakarang mas pinapaboran ang mga import kaysa sa lokal na produksyon. Sa halip na protektahan at palakasin ang lokal na agrikultura, patuloy na umaasa ang gubyerno sa mga import sa kapinsalaan ng mga Pilipinong prodyuser,” ayon sa KMP.
Maliban sa importasyon, binatikos ng mga lokal na magbababoy ang kainutilan ng gubyerno na tugunan ang isyu ng ismagling ng karne sa bansa. Anila, walang malaking tao o personahe ang napananagot sa ismagling sa kabila ng palabas na pagsasabatas sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act noong 2024.
“Lalo pang binabantaan ng ismagling ang kanilang kabuhayan, habang pinahihina ng mga patakarang nakasalalay sa import ang lokal na produksyon,” ayon sa KMP. Sa harap nito, sinabi ng grupo na malinaw na may pananagutan si Marcos Jr sa pagkawasak ng agrikultura at kabuhayan sa kanayunan sa Pilipinas.
Nanawagan ang grupo sa gubyerno ng suporta sa produksyon sa mga prodyuser ng baboy, murang pakain at iba pang input, serbisyong beterinaryo, at makaratungang presyo sa pagbili ng baboy. “Dapat magkaisa ang mga sektor sa kanayunan para panagutin ang administrasyon sa pagkalugi, pagkadiskaril at pagkawasak ng kabuhayan at lokal na industriya sa kanayunan,” pahayag ng KMP.
The post Mga magbababoy, naglunsad ng 4 na araw na “pork holiday” kontra importasyon ng baboy appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

