Kinundena ng National Democratic Front (NDF)-Eastern Visayas ang inilulunsad na Kasangga 2026-02 war games sa prubinsya ng Samar sa pagitan ng tropa ng Australia at Pilipinas. Ayon sa grupo, ang presensya ng dayuhang tropang Australian sa Samar, sa sulsol ng imperyalismong US, ay yumuyurak sa ilang siglo ng anti-kolonyal na tradisyon ng mamamayang Samareño.

Sinimulan ng Australia at Pilipinas ang war games na nakatutok sa paggamit ng drone at taktikang anti-armor noong Oktubre 19 at tatagal hanggang ikalawang linggo ng Nobyembre. Kalahok dito ang 90 sundalo ng Australian Army at 144 tropa ng Philippine Army na magsasanay sa 8th Division Training School, Barangay Fatima sa bayan ng Hinabanga.

Ang war games ay ikalawang serye na ng Kasangga ngayong taon. Una itong inilunsad sa Camarines Sur noong Mayo hanggang Hunyo na nakapokus sa operasyong paniktik at kombat sa mga komunidad sa balangkas ng kampanyang kontra-insurhensya. Pinasok nila ang mga komunidad at hinigpitan ang kilos at paghahanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda.

Ayon kay Ka Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng NDF-Eastern Visayas, ang halos isang buwang war games sa Samary ay nagsisilbi sa layunin ng US na lalong painitin ang tensyon at pang-uupat ng digmaan laban sa karibal nitong imperyalistang China. “Nilalapastangan nito ang soberanya ng Pilipinas at taliwas sa prinsipyo ng patakarang panlabas na tumutuligsa sa imperyalistang digmaan,” aniya.

Dagdag ni Manlimbasog, insulto ang Kasangga war games sa mamamayang Waraynon na noong Mayo lamang ay binulabog ng Tomahawk na misayl ng US matapos paliparin mula Tacloban City tungong Luzon. “Tulad noong Balikatan, tiyak na pipinsalaan din ng Kasangga ang kaligtasan at hanapbuhay ng mga taga-Hinabangan at kalapit na bayan,” pahayag niya.

Binatikos ni Manlimbasog ang todong pangangayupapa ng rehimeng Marcos at AFP sa imperyalismong US. Aniya, hindi tulad ng mga Samareño na magiting na nagsulong ng pakikibaka laban sa kolonyalistang Amerikano noong Digmaang Pilipino-Amerikano, si Marcos at ang mga dinastiyang pulitika sa Samar ngayon at ang 8th ID ay malugod na tinatanggap ang mga dayuhang tropa. Tinatalikuran nila ang alaala ng 25,000 Samareño na pinatay ng mga tropang Amerikano noong 1902.

Hinimok ni Manlimbasog ang lahat ng makabayang Pilipino laluna ng mamamayang Waraynon na kundenahin ang Kasangga war games sa Samar. “Dapat nilang pagbayarin si Marcos sa kanyang pagtataksil at ilantad ang maka-US na tunguhin ng mga oportunistang pulitikong Pilipino na gumagatong sa posibilidad ng digmaan sa rehiyon. Dapat ilantad ang pagiging huwad ng kanilang patriyotismo, lingunin ang tradisyon ng mga Pilipino ng paglaban sa mga mananakop, at ibandila ang tunay na patakarang nagsasarili sa ekonomya, pulitika, at kultura,” pagtatapos niya.

The post Kasangga war games sa Samar, pagyurak sa anti-kolonyal na tradisyon ng mga Samareño—NDF-Eastern Visayas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.