Mahigit 300 kinatawan ng hindi bababa sa 30 balangay ng Compatriots sa loob ng US ang dumalo sa pagtitipon para itatag ang pambansang balangay ng Compatriots. Nagkaisa sila sa temang “Palakasin at pasiglahin ang rebolusyonaryong kilusang masa! Magsilbi sa bayan, paigtingin ang laban, tumungo sa kanayunan!”
Ang Compatriots ay rebolusyonaryong organisasyon ng mga kababayang Pilipino sa ibayong dagat na alyadong organisasyong ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sumusuporta ito sa armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at lumalahok sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Nagbukas ang asembliya sa isang martsa at kultural na presentasyon ng mga balangay ng Compatriots sa US. Ang asembliya ay maituturing na kulminasyon ng ilang taong rebolusyonaryong gawain sa hanay ng mga Pilipino sa US. Binigyang-diin sa pangunahing talumpati sa asembliya ang mga tungkulin ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga Pilipino sa labas ng bansa para maging isang kilusan sa pulitika at hikayatin silang lumahok sa mga pakikibaka sa Pilipinas.
Nabigay ng mensahe sa asembliya ang NDFP International Office, Compatriots-NDFP Global Executive Committee, mga balangay ng Compatriots mula sa Hong Kong, New Zealand, Canada, at Italy, at Friends of the Filipino People in Struggle.
“Patunay (ang pagtitipon) ng rebolusyonaryong diwa at alab ng mga Pilipino sa US na itayo ang rebolusyonaryong kilusang masa ng mga Pilipino sa ibayong-dagat na tutulong sa pagwawakas ng pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino at magbibigay-daan sa isang maliwanag na sosyalistang kinabukasan,” pahayag ng Compatriots-NDFP.
Sa programa ng pagtitipon, nagbahagi ng kani-kanilang karanasan ang mga balangay ng Compatriots sa US. Isinalaysay nila ang karanasan sa pag-oorganisa, pagrerekrut ng bagong mga myembro at pagpapalawak, at pagpapadala ng mga rebolusyonaryong aktibista para maglingkod sa kanayunan at iba pang kritikal na tungkulin ng rebolusyong Pilipino. Kwento ng isang myembro: “Dito sa US, mayroong milyun-milyong kababayan ang nagnanais na makauwi, natutulak mangibang-bayan dahil sa mga batayang problema sa lipunang Pilipino.”
Hinimok niya ang mga nasa asembliya na maging mapangahas at makiisa sa mga Pilipino sa US saanman sila naroroon: sa sentro ng detensyon, sa mga carehome, at ospital. Dapat umanong puspusang ipabatid sa kanila na ang tanging solusyon sa kanilang dinaranas na paghihirap ay ang demokratikong rebolusyong bayan.
Inihalal ng asembliya ang magsisilbing pamunuan ng Compatriots-US. Binuo rin sa pagtitipon ang US Country Chapter Program na magiging gabay sa pagkilos ng mga myembro ng Compatriots sa bansa. Magsisilbing malaking hamon sa balangay ang pag-abot sa pinakamaraming Pilipino sa US na umaabot na ngayon sa halos limang milyon. Ang bilang na ito ay sangkatlo ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat sa buong mundo.
Sa pagtatapos ng programa, binigyang-parangal ng asembliya ang mga martir at bayani ng rebolusyong Pilipino kabilang ang mga Filipino-American na umuwi sa Pilipinas para paglingkuran ang sambayanan sa kanayunan.
“Sana ay magsilbing inspirasyon sa mga Pilipino sa ibayong dagat ang paglulunsad na ito para gumampan ng mapagpasyang tungkulin sa pambansa at panlipunang pagpapalaya sa naghihirap na masang Pilipino sa pag-anib sa hanay ng Compatriots-NDFP, sa pagtatayo ng mga balangay saanman mayroong mga Pilipino, at sa paglilingkod sa demokratikong rebolusyong bayan sa inang bayan,” pahayag ng Compatriots-NDFP.
Ang pagkakatatag sa balangay ng Compatriots-US ay alinsunod sa programang itinakda ng kongreso ng Compatriots-NDFP noong unang kwarto ng 2025. Sa katulad na diwa rin naisagawa ang pagtatatag sa Christians for National Liberation-Compatriots (CNL-Compatriots) noong Oktubre 2025 at sa mga balangay ng Compatriots sa New Zealand at Hong Kong noong Marso ngayong taon.
The post Balangay ng Compatriots-NDFP sa US, pormal na itinatag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

