Nagprotesta sa harap ng Central office ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Quezon City noong Oktubre 20 ang iba’t ibang pambansang minorya mula sa Luzon. Kasama nila ang mga tagapagtaguyod ng karapatan upang papanagutin ang ahensya sa pagkakasangkot nito sa korapsyon, pang-aagaw sa lupang ninuno at paglabag sa kanilang mga karapatan, kabilang ang karapatan para sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC).

Pinangunahan ang protesta ng grupong KATRIBU, kasama ang mga katutubong Ayta mula sa Tarlac at Pampanga, mga Mangyan mula sa Mindoro at Molbog mula sa Palawan. Kinundena din ng grupo ang pagsisilbing tulay ng NCIP sa pagpasok ng mga proyektong pagmimina, enerhiya at imprastraktura sa mga lupang ninuno. Ito ay habang bigo ang ahensya na protektahan ang komunidad ng mga katutubo mula sa pagpapalayas, kawalan ng kabuhayan, pagkasira ng kalikasan at karahasan ng estado.

Tinutulan ng mga grupo ang panukalang ₱1.831-bilyong badyet ng NCIP at nanawagan na imbestigahan ang mga gastusin, programa, patakaran, at mga upisyal nito.

“Tinututulan namin ang paglalaan ng bilyun-bilyong pampublikong pondo sa isang institusyong nabigong pigilan ang pang-aagaw at panghihimasok sa mga lupaing ninuno, ipatupad ang tunay na FPIC, at protektahan ang mga komunidad ng mga katutubo mula sa pagpa[alayas at paglabag sa karapatang tao,” pahayag ni Funa-ay Claver, pangkalahatang kalihim ng KATRIBU.

Habang papalapit ang ika-29 anibersaryo ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) sa Oktubre 29, muling nanawagan ang mga katutubo na ipawalang-bisa ang batas at buwagin ang NCIP. Ayon kay Claver, ipinakikita ng lumalalang kalagayan ng mga katutubo ang pagkabigo ng batas at ng ahensiyang itinatag nito na magbigay ng tunay na proteksyon.

Sa simbolikong aksyon, pinunit ng mga grupo ang upisyal na logo ng NCIP at ipinalit ito ng katawagang “National Commission on Imperialist Plunder.”

Kinundena din nila ang mabilisang pag-apruba ng NCIP sa binagong FPIC guidelines ngayong taon nang walang sapat na konsultasyon sa mga apektadong komunidad.

Sa protesta, ibinahagi ng mga lider ang kanilang pakikibaka laban sa pagpasok ng mga proyektong mina at renewable energy, demolisyon ng komunidad, militarisasyon, red-tagging, at iba pang paglabag sa karapatang tao.

Sa kaugnay na balita, ipinagtanggol ni Eufemia Cullamat, isang Manobo at dating kinatawan ng Bayan Muna, ang salitang Lumad matapos tutulan ang paggamit dito ni Nancy Cotamco, pinuno ng NCIP.

Ayon kay Cullamat, hindi itinakda ng sinuman ang katawagan, kundi bunga ito ng pakikibaka ng mga iba’t ibang pangkat ng mga lumad sa Mindanao laban sa diskriminasyon.

Ang Lumad ay kolektibong katawagan sa mga pambansang minorya sa Mindanao. Hindi nito binubura o pinapawalang-bisa ang natatanging pagkakakilanlan ng bawat tribu o pangkat etnolingguwistiko.

Mali ang pahayag ni Catamco na walang sinuman ang may karapatang tumawag sa mga pambansang minorya bilang Lumad, ani Cullamat. Hindi basta itinakda ng iisang tao o grupo ang katawagang ito. Hinubog ito ng kasaysayan at pakikibaka ng mga minorya laban sa diskriminasyon at pang-aapi.

Ang pahayag ni Catamco ay isang pagtatangkang siraan ang naging papel ng pakikibaka ng Katutubong mamayan. Hindi bago ang ganitong pag-atake. Maging si NCIP Commissioner Gaspar Cayat ay nag-red-tag sa mga katawagang ginagamit ng mga katutubo, at iniugnay ang mga ito sa terminolohiya umano ng CPP-NPA, dagdag ni Cullamat.

Niyakap at binawi ng mga minorya ang katawagang Lumad na mayroong negatibong kahulugan at ginawa itong sagisag ng pagkakaisa ng mga katutubo sa Mindanao. Ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang pagbura sa pagkakaiba-iba ng mga pangkat. Bahagi ng ating kultura ang kolektibong pagpapasya at pagdedesisyon, diin ni Cullamat.

“Hindi ang katawagang Lumad ang nagbabanta sa ating pagkakakilanlan, kundi ang mga pwersang nagtataboy sa atin mula sa ating mga lupang ninuno at nagkakait sa atin ng karapatang magpasya para sa ating mga komunidad. Ang pagkakakilanlan ay hindi dapat itinatakda ng mga nasa kapangyarihan, kundi kinikilala at ipinaglalaban ng mga mamamayang nagmamay-ari nito,” paliawag ni Cullamat.

The post Pagbuwag sa NCIP, ipinanawagan ng mga pambansang minorya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.