Nagtipon ang residente at mangingisda ng Pagudpud, Ilocos Norte sa Pagudpud Cultural & Sports Complex (People’s Center) noong Oktubre 22 upang pormal na itatag ang “TIMPUYOG: Pagudpud Multi-Sectoral Coalition against Offshore Windmills and Sea Cables.” Kasabay nitong inilunsad ang signature campaign ng alyansa.

Tinututulan ng koalisyon ang anti-kalikasan at anti-mamamayan na 2GW Buhawind Offshore Wind Energy Project na itatayo sa municipal waters ng Pagudpud, Burgos, Bangui, at Pasuquin sa Ilocos Norte. Anito, nasa 6,339 rehistradong mangingisda ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa proyekto. Maapektuhan din nito ang turismo ng prubinsya, sisira sa likas na yaman sa karagatan at makakapinsala sa mga ibon.

Ayon sa deklarasyon ng koalisyon, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng kanilang mga baybaying tubig bilang pinagkukunan ng pagkain, ikabubuhay, ekolohikal na balanse, kultural na pagkakakilanlan, at ang-ekonomiyang oportunidad.

Nanawagan ang koalisyon ng transparency o malinaw na paglalahad ng impormasyon, access sa mahahalagang detalye ng proyekto, tunay na pakikipag-ugnayan sa publiko, at makabuluhang partisipasyon ng mga apektadong sektor sa paggawa ng desisyon.

Ayon sa koalisyon, sa anumang pagpapaunlad dapat protektahan ang kapaligiran, kabuhayan, kapakanan ng komunidad, at interes ng kasalukuyan at susunod na henerasyon. Nangako rin ang mga miyembro ng mapayapa, legal, at kolektibong aksyon upang isulong ang kanilang mga hinaing.

“Sa pamamagitan ng pagkakaisa, makabuluhang partisipasyon, at kolektibong paghkilos, matitiyak na maririnig ang hinaing ng ating mamamayan at mapoprotektahan ang ating likas na yaman para sa mga susunod na henerasyon,” pahayag nila Lee Kuan, lead convenor at Aljene Palafox, tagapangulo ng Timpuyog.

The post Koalisyon kontra offshore windfarm sa Pagudpud, itinatag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.