Walang maaasahan sa institusyong hindi nagsisilbi sa interes ng mga nasa laylayan.

Patola na, buwaya pa.

Insulto man sa halaman at hayop na hindi hamak na mas may ambag sa pananatili ng kalikasan, naging uso na ang mga terminong pulis patola at pulis buwaya para ilarawan ang kabulukan at kapalpakan ng institusyong dapat na nagsisilbi at nagtatanggol sa mamamayan.

May mga nakaunipormeng wagas kung magpahayag ng kanilang karahasan. Pati mapayapang protesta, pinipigilan. Sinusugod ang barikada. Nang-aaresto nang walang pakundangan. Nanunulak at namamalo ng mga dumadalo sa rally. Walang pakialam kung may humandusay sa kalyeng duguan. Mistulang nawala na ang katinuan dahil sa pagiging utak pulbura.

Sadyang walang pakialam, walang paggalang sa batayang karapatan. Kahit ang mga peryodista, hindi na ligtas sa kalupitan ng pulis. Noong Okt. 19, may peryodistang sinaktan dahil lang nagkober ng protesta ng mga magsasaka sa tapat ng gusali ng Department of Agrarian Reform.

Sinubukan pa siyang arestuhin. Napilitan lang siyang pakawalan dahil napansing maraming nagbibidyo ng nangyari at maraming aktibistang lumalapit para ipaliwanag na peryodista ang kinakaladkad at pinagtutulungan nila.

Nakapagtataka lang na binabaligtad ngayon ng mga pulis ang nangyari. “Initial reports indicate that a verbal altercation occurred involving an individual who identified himself as a member of the media and deployed police personnel. The individual allegedly uttered profane remarks and kicked several police personnel. In response, the officers intervened to prevent further escalation. The individual was subsequently released.”

Kung susuriin ang press release ng mga pulis noong Okt. 20, hindi binanggit na iniwan nilang sugatan ang peryodistang pinagtulungang damputin at kaladkarin. Tila hindi nangyari ang ilang beses na pagsigaw niya ng “Media ako!” habang ipinapakita ang press ID na hindi pinansin ng mga nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan.

Basta para sa kanila, may kailangang masampolan para hindi na siya gayahin ng iba pang peryodista. Kahit na hindi nila binanggit ang terminong “chilling effect,” ito pa rin ang nais nilang mangyari para mapatahimik ang midya sa pag-uulat ng mga nangyayari sa lipunan, lalo na sa kanayunan.

Kinikilala at nirerespeto raw ng mga pulis ang kalayaan sa pamamahayag, pati na ang tinatawag nilang “peaceful assembly.” Pero bakit parati silang humihingi ng “permit to rally” para magkaroon ng mga mapayapang pagtitipon? Gayundin ang nangyari sa pagkilos ng mga magsasaka kamakailan. Pinapadaan sa komplikadong burukrasya ang lehitimong pagpapahayag ng saloobin.

Hanggang ngayon, ginagamit pa ring batayan ng represyon ang Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985 na ipinatupad ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Ito ang dahilan kung bakit napapanahon nang ibasura ang batas na itong sinisikil ang batayang karapatan. Kung totoong naglilingkod sa interes ng mamamayan ang mga pulis, dapat na hinahayaan lang nila ang mga mapayapang pagtitipon at hindi nila pagmamalupitan ang mga nagpoprotesta’t peryodista.

Pero walang maaasahan sa institusyong hindi nagsisilbi sa interes ng mga nasa laylayan. Palibhasa, mas pinapaboran nila ang interes ng mga nasa kapangyarihan. Sadyang may kabulukang nagreresulta sa utak pulburang oryentasyon. Asahang patuloy na lalabanan ang kanilang pandarahas sa mga peryodista’t ordinaryong mamamayan.

Patola na, buwaya pa. Idagdag na rin ang mga salitang marahas at sinungaling. Posible ring tawagin silang kaaway ng kapayapaan. Sa konteksto ng pagpapatuloy ng kanilang masamang gawi, mainam na isang salita na lang ang gamitin. Pasista.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com/

The post Pulis appeared first on Bulatlat.


From Bulatlat via This RSS Feed.