Nagpahayag ng pagtutol ang mga grupong pang-estudyante sa Davao at Cebu sa mga pasilidad at presensyang militar ng US sa kani-kanilang lugar. Binatikos nila ang panukalang depot ng langis sa Davao at ang paggamit ng US sa sibilyang paliparan sa Lapu-Lapu City bilang base militar o EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) site.
Naglabas ng pahayag ang League of Filipino Students (LFS)-Davao matapos ang pagbisita ng ambasador ng US na si Lee Lipton kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte noong Oktubre 22 sa Davao City Hall. Dumalo rin sa pulong sina Sen. Robin Padilla, Sen. Christopher Lawrence Go, Vice Mayor Rodrigo Duterte II at mga upisyal ng syudad at embahada ng US. Tinukoy ng mga upisyal ang pagbisita bilang pagkakataong palakasin ang ugnayang pang-ekonomya at pagtutulungan ng dalawang bansa. Bago nito, noong Oktubre 20, tinanggap din ng mga Duterte ang ambasador ng Italy na si Davide Giglioe para talakayin diumano ang kooperasyon sa agrikultura at pamumuhunan.
Ayon sa LFS-Davao, ang mga pagbisita na ito ay nagsisilbi para “palawakin ang impluwensyang imperyalista at palalimin ang pakikialam ng mga dayuhan sa Davao at Mindanao.” Binatikos ng grupo ang pagtanggap ni Duterte kay Lipton na anila’y taliwas sa pahayag ng pamahalaang lungsod noong Abril 14 na tutol ito sa mga dayuhang pasilidad militar at depot ng langis sa syudad. Tinawag din ng grupo si Duterte na “lapdog,” o sunud-sunuran, at nagbabala na gagamitin ang planong depot upang suportahan ang suplay para sa operasyong militar ng US.
Samantala, nanawagan ang LFS-Cebu na alisin ang mga pwersa at kagamitang militar ng US sa Lapu-Lapu City at itigil ang paggamit sa Mactan-Benito Ebuen Air Base bilang sentro ng lohistika at paglilipat ng mga pwersang Amerikano sa gitnang bahagi ng bansa. Binatikos nila ang paggamit umano sa Mactan-Cebu International Airport bilang depot ng gasolina at lugar ng lunsaran ng mga eroplanong pandigma. Anila, kabalintunaan na sa Lapu-Lapu City pa inilagay ang base militar ng US laluna at nantog si Lapu-Lapu bilang mandirigmang lumaban sa dayuhang pananakop sa kasaysayan ng bansa.
“Ginagamit ang ating isla sa paghahanda para sa digmaan, at maaari itong mapuntirya kapag sumiklab ang mas malaking digmaan,” ayon sa pahayag ng grupo.
Kinwestyon din ng mga estudyante ang pagpapalawak ng mga EDCA site at ang iniulat na $144 milyon na bagong pondong militar ng US para sa mga ito. Nanawagan ang mga grupo sa publiko na ipagtanggol ang soberanya ng bansa at tutulan ang mga pasilidad na anila’y naglalagay sa mga komunidad sa panganib.
The post Presensyang militar ng US sa Cebu, Davao, tinutulan ng mga estudyante appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

