Nakalaya mula sa mahigit walong taong pagkakakulong ang lider-unyonista at bilanggong pulitikal na si Juan Alexander “Bob” Reyes matapos ipalawang-sala ng Quezon City Regional Trial Court Branch 97 sa kasong illegal possession of explosives noong Oktubre 20. Ayon sa korte, nabigo ang mga prosekyutor na patunayang totoo ang mga ebidensyang iniharap laban kay Reyes kaya siya ipinawalang-sala.
Ang kaso laban sa kanya ay kaugnay ng pinalalabas ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na nakumpiskang .38 kalibreng baril at tatlong metrong detonating cord. Sinasabing nakuha ito ng mga pulis nang inaresto si Reyes noong Hulyo 2, 2018 sa bisa ng mga mandaymento de aresto para sa mga kasong pagpatay at panununog.
Sa kabuuan, humarap si Reyes sa 14 na mga kasong kriminal na isinampa ng militar at pulis. Kabilang dito ang mga kaso ng panununog at pagpatay sa Agusan del Norte at Surigao del Sur. Walang batayan siyang idinawit sa mga armadong engkwentro ng militar sa mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan. Nauna nang ibinasura o napawalang-sala si Reyes sa 13 kaso.
Ayon sa Karapatan, ang mga hayagang deperensya sa dokumentasyon, pati na rin ang kawalan ng katiyakan ng mga umarestong upisyal sa pag-iral ng gayong mga bagay, ang naging batayan ng pagpapawalang-sala kay Reyes. “Huling-huli ang Philippine National Police sa pagtatanim ng ebidensya. Higit na inilantad ng pagpapawalang-sala kay Bob Reyes ang kasanayan ng PNP sa pagtatanim ng ebidensya para bigyang katwiran ang mga gawa-gawang kaso laban sa mga tulad niyang aktibista at organisador,” ayon kay Cristina Palabay, tagapagsalita ng Karapatan.
Ikinalugod ng mga grupong kinabibilangan ni Reyes na Defend Job Philippines at Sandigan ng Manggagawa sa Quezon City (SMQC) ang kanyang paglaya. “Isang tagumpay sa manggagawang Pilipino, sa mga kasama, kapamilya, at mismo kay kasamang Bob Reyes ang pag-acquit sa 14 na gawa-gawang kasong sinampa sa kanya,” pahayag ng SMQC.
Anang grupo, bunga ang paglaya ni Reyes ng tuluy-tuloy na pagkakampanya para sa hustisya at paglaya ng mga bilanggong pulitikal sa mga nagdaang taon. “Gayunpaman, hindi maaalis ang katotohan na walong taon ng buhay niya ang ipinagkait kay Kasamang Bob upang makasama ang kapamilya at ang mga manggagawang inoorganisa niya,” pahayag ng grup.
Dagdag ng SMQC, maliban kay Reyes ay libu-libong manggagawa sa Quezon City at sa bansa ang nakararanas ng panggigipit at panghaharas dahil sa paglaban para sa kanilang mga karapatan sa disenteng trabaho, dagdag-sahod, at seguridad sa trabaho. “Hangga’t hindi natin natatamasa ang mga ito, hindi dapat tayo matakot na manawagan at sama-samang kumilos para sa tunay na kaunlaran!” anito.
The post Lider-unyonista sa NCR, nakalaya mula sa 8 taong pagkakakulong appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

