Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Negros ang planong live-firing exercise sa syudad ng Sipalay City sa darating na Oktubre 29-31 sa pangunguna ng 302nd Infantry Brigade ng Armed Forces of the Phippines (AFP).
Gagamit ng kanyon ang AFP sa plano nitong live-fire exercise sa Barangay Manlucahoc, Sipalay City, Negros Occidental. Bahagi ito ng mas pinatitinding ehersisyo militar sa tulak ng imperyalismong US at sa ganansya ng kontra-insurhensyang kampanya ng tuta at pasistang rehimeng Marcos Jr para wasakin ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at gamitin ang AFP sa agresyong militar ng US laban sa China.
Ang ilulunsad na ehersisyo militar sa bayan ng Sipalay City ay malaking banta sa buhay at kabuhayan ng mamamayan nito laluna sa mga magsasaka ng apektadong lugar. Sapilitang ipapatigil ang hanapbuhay ng mga residenteng magsasaka at hindi pahihintulutan sinuman na lumapit sa perimetro ng pagdadausan ng aktibidad. Sa partikular, pinagbabawalan ang mga magsasaka na pumunta sa kanilang mga sakahan at pagpapasto o pagpapakain ng kanilang mga alagang kalabaw at baka na katulong nila sa kanilang kabuhayan.
Banta rin sa kaligtasan ang lapit nito sa mga pamayanang sibilyan na maaaring tamaan ng live shells at ang sandamakmak na sundalong idedeploy para dito.
Hindi na bago ang ganitong pakana ng AFP na nagdudulot ng matinding takot at pangamba sa mamamayan. Nitong ika-5 ng Mayo lamang ngayong taon nang magpalipad ng Tomahawk missile ang AFP sa Tacloban Airport, na isang sibilyang imprastraktura. Marami pang kaso ng mga ehersisyong militar na inilunsad ng AFP na malapit sa mga sibilyang imprastruktura o pamayanan.
Hibang at wala sa tamang pag-iisip si Marcos at ang AFP, partikular na ang 302nd Infantry Brigade sa pangunguna ni Brigadier General Jason Jumawan, sa kanilang paglulustay ng pera ng taumbayan sa pagpapaputok sa hangin ng mga bomba at kanyon upang maghanda sa digma ng amo nitong imperyalismong US. Sa gitna ng tumitinding krisis sa ekonomya at banta ng Super El Niño ay nagagawa pang magsayang ng pera ng rehimen sa halip na ituon sa serbisyong publiko na mas higit na kailangan ngayon ng mamamayang Pilipino.
Nararapat lamang na kundenahin at tutulan ng masang Negrosanon ang mapaminsalang live-fire exercise ng AFP sa Sipalay City at ang paglulunsad ng iba pang gaya nito sa buong isla ng Negros at mga karatig na lugar. Ilantad ang maaksayang paggamit sa pondo ng bayan at lumaban para sa batayang karapatan at kalayaan ng mamamayan. Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon ng mamamayan para sa tunay na kapayapaan at kalayaan!
The post Artillery live firing ng 302nd IBde kinundena ng NDF-Negros appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

