Marubdob na kinukundena ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas ang ikinasang Kasangga war games sa Hinabangan, Samar. Ang halos isang buwang war games sa pagitan ng mga tropa ng Australia at Pilipinas ay nagsisilbi sa layunin ng United States na lalong painitin ang tensyon at pang-uupat ng digmaan laban sa China.

Ang war games, na sinimulan noong Oktubre 19 sa 8th Division Training School (DTS), ay lalahukan ng 144 tropa ng Philippine Army at 90 sundalo ng Australian Army. Ang mga tropang Pilipino ay mula sa mga yunit ng 8th DTS, 63rd Infantry Battalion, 543rd Engineer Construction Battalion, 7th Cavalry Company ng Armory Division, at ng 803rd Community Defense Center.

Nilalapastangan nito ang soberanya ng Pilipinas at taliwas sa prinsipyo ng patakarang panlabas na tumutuligsa sa imperyalistang digmaan. Tandaan na ang Australia ay bahagi ng alyansang militar na AUKUS (Australia-United Kingdom-United States) na binuo ng US para paigtingin ang presensya militar nito sa Asya-Pasipiko. Insulto na naman ito sa mamamayang Waraynon na noong Mayo lamang ay binulabog ng Tomahawk na misayl ng US matapos paliparin mula Tacloban tungong Luzon. Tulad noong Balikatan, tiyak na pipinsalaan din ng Kasangga ang kaligtasan at hanapbuhay ng mga taga-Hinabangan at kalapit na bayan.

Ang mga war games tulad ng Kasangga ay nagsisilbi rin sa kampanya kontra-insurhensya ng pasistang rehimeng Marcos. Nang ilunsad ang Kasangga 2026-1 sa Camarines Sur, Bicol noong Mayo 26, itinuon ito sa operasyong paniktik at kombat sa mga komunidad. Pinasok ng mga dayuhang tropa ang mga komunidad at hinigpitan ang kilos at paghahanap-buhay ng mga magsasaka at mangingisda. Sa Barangay Balogo sa Pasacao, sapilitang pinalikas ang mga residente para sa live-fire exercises. Nagdulot ng takot ang mga pagsabog at pagpapaputok sa tabing-dagat at nakapinsala sa ecosystem ng kadagatan ng prubinsya.

Tinatangkang burahin ng Kasangga war games at ng todong-pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa US ang ilang siglo ng anti-kolonyal na tradisyon ng mamamayang Samareño. Hindi tulad ng mga ninuno nilang magiting na nagsulong ng digmang bayan laban sa mga pasista at kolonyalistang Amerikano noong Digmaang Pilipino-Amerikano, ang mga dinastiyang pulitika sa Samar ngayon at ang 8th Infantry Division ay malugod na tinatanggap ang mga dayuhang tropa. Mas grabe pa, ang pasistang terorismo na inangkat ng imperyalismong US at noong 1902 ay kumitil sa buhay ng 25,000 na Samareño kabilang ang kababaihan, kabataan, at matatanda, ay kanila pang pinagtatakpan at ipinagpapatuloy sa kapwa Pilipino.

Lumalarga ang war games sa Pilipinas kasabay ng umiigting na balyahan sa pagitan ng mga maka-US na burukrata kapitalistang Pilipino, at ng embahada ng China sa bansa. Sinasakyan ng ilang oportunistang pulitiko ang kontra-China na sentimyentong tulak ng US at walang pili (blanket) na kinukutya ang mga nagtutulak ng mapayapang resolusyon bilang “DDS,” “maka-China” o “komunista.” Sa kanilang black-and-white na pag-iisip, hindi nila masikmurang kundenahin ang China sa mga pagkakamali nito habang kinikilala rin ang ilang siglong kultural at pang-ekonomyang ugnayan. Wala ni isa sa kanilang nagbanggit ng diplomatikong resolusyon sa usapin ng South China Sea na isang maritime dispute hindi lang sa China, kundi sa iba pang bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations na hindi sukdulang nangangayupapa sa US. Samantala, nakabibingi ang kanilang katahimikan sa 80 taong malakolonyal na pananakop ng imperyalismong US na para bang naniniwala sila “sa pag-ibig ng isang puta.”

Dapat kundenahin ng lahat ng makabayang Pilipino laluna ng mamamayang Waraynon ang Kasangga war games sa Samar. Dapat nilang pagbayarin si Marcos sa kanyang pagtataksil at ilantad ang maka-US na tunguhin ng mga oportunistang pulitikong Pilipino na gumagatong sa posibilidad ng digmaan sa rehiyon. Dapat ilantad ang pagiging huwad ng kanilang patriyotismo, lingunin ang tradisyon ng mga Pilipino ng paglaban sa mga mananakop, at ibandila ang tunay na patakarang nagsasarili sa ekonomya, pulitika, at kultura.

The post Kundenahin ang PH-Australia war games sa Samar! Igiit ang pambansang kasarinlan, palayasin ang lahat ng tropang dayuhan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.