Makatwirang salubungin ng paghihimagsik at protesta ng masang magsasaka sa Timog Katagalugan at buong bansa ang buwan ng magsasaka. Sa TK pa lamang, libu-libong pamilyang magsasaka ang kagyat na apektado ng pangangamkam at pagpapalayas ng lupa ngayong buwan. Bukod pa rito ang mas marami pang bilang ng pamilya ng magsasaka at katutubong tuluy-tuloy na nadidisloka sa kabuhayan at panirikan ng walang-lubay na panghahalihaw ng mga operasyong militar sa iba’t ibang bahagi ng kanayunan ng rehiyon.
Pagpasok ng Oktubre, kabi-kabila ang pagputok ng mga isyu ng pagpapalayas sa lupa sa mga magsasaka tulak ng mga malalaking panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador. Pinakatampok ang ginawang sapilitang pagpapalayas sa mahigit 500 pamilyang magsasaka sa Barangay Guinobatan, Calapan City, Oriental Mindoro sa kanilang tirahan at palayan. Sa kabilang probinsya ng Occidental Mindoro, nasa 73 pamilyang katutubong Mangyan-Iraya naman ang pinalalayas ng Pieceland Corporation sa Malatabako, Abra de Ilog.
Sa Palawan, higit 100 pamilya ang apektado ng pagpapalayas sa Coron at Balabac. Sa Coron, nakaambang palayasin ang 38 pamilyang saklaw ng Yulo King Ranch (lupaing kinamkam sa mga residente sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Marcos I). Nasa higit 60 pamilya naman ng mga katutubong Molbog ang pinalalayas sa Balabac para sa proyektong paliparan ng San Miguel Corp. ni Ramon Ang sa Barangay Bugsuk at sa pagtatayuan ng EDCA site sa Barangay Catagupan. Liban pa rito ang mas maraming pamilya ng mga katutubo at magsasaka na saklaw ng National Greening Program, malalaking proyektong mina at ekoturismo sa probinsya.
Sa Cavite kagyat na apektado ang 200 sa 1000 pamilyang magsasaka sa Barangay Tartaria at Lumil, Silang na saklaw ng kinakamkam na lupa ng pamilyang Aguinaldo. Naging agresibo ang isinasagawang pambabakod ng mga bayarang ahente ng Aguinaldo sa mga sakahan ng magsasaka sa lugar ngayong buwan. Liban dito, patuloy pa ang panghaharass sa 120 pamilyang nagsasaka at residente ng Lupang Ramos sa Dasmariñas City.
Nakaamba rin ang pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka sa iba pang bahagi ng rehiyon para sa proyektong renewable energy, mina at iba pang proyektong lokal at dayuhan. Pinalalala ng sitwasyong ito ang dati nang bumubulusok na kabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyon at buong bansa. Nananatiling nasa pito sa sampung magsasakang nagbubungkal ang walang lupa ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Ang mga ito ang biktima ng iba’t-ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala tulad ng napakataas na upa sa lupa, mababang pasahod, napakataas na interes sa pautang atbp. Lubhang pasakit pa ang pagsirit ng implasyon na nagpapalaki ng gastos sa produksyon ng mga magsasaka habang hindi naman tumataas ang presyo ng mga produktong bukid sa farmgate. Sa Mindoro, napipilitan ang iilan ng magsasakang may pag-aaring maliit na parsela na magbenta ng kanilang mga lupaing palayan dahil sa pagkalugi.
Tuluyan nang inabandona ng estado ang sektor ng agrikultura sa papaliit na alokasyon ng pondo laluna sa mga magsasaka. Ngayong taon, sa gitna ng banta at simula ng pananalasa ng Super El Niño, tinapyasan ng ₱16.54 bilyon ang pondo ng sektor (pinagsamang pondo ng DA at DAR). Pagbubulag-bulagan ito sa malilinaw na datos na inilalabas mismo ng reaksyunaryong gubyerno na aabot na agad sa ₱5.56 bilyon ang pinsala sa agrikultura. Kabilang ang mga probinsya ng Calabarzon sa naitalang 106 lokalidad na panimulang apektado ng tagtuyot dulot ng Super El Niño.
Hindi rin maitago kahit ng maka-imperyalistang institusyong United Nations Food and Agriculture Organization na ang Pilipinas ang nangunguna sa buong Southeast Asia sa mga bansang may pinakamalaking bilang ng mamamayang walang kaseguruhan sa pagkain (food insecurity) na 37.8 milyon mula 2023-2025. Pumapangalawa naman ang Pilipinas sa mga bansa sa rehiyon na may pinakamalaking bilang ng populasyon na walang kakayahan sa malusog na pagkain (healthy diet) na nasa 52.6 milyon nitong 2025. Bagama’t tiyak na ang mga ito’y konserbatibo pang pagtaya, isang malinaw na kabalintunaan ito sa isang agrikultural na bansang tulad ng Pilipinas.
Inaasahang lalo pa itong titindi sa gitna ng pag-arangkada ng Pax Silica at Luzon Economic Corridor sa bansa. Pabibilisin ng New 99-Year Land Lease Law ang pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka at katutubo para sa lokal at dayuhang pamdarambong. Kasunod nito ang pagpapatupad ni Marcos ng kautusan o EO 122 para umano paunlarin ang industriya ng kritikal na mineral kung saan tinukoy mismo bilang bubuksang mga erya ng mina ang Mindoro at Romblon, dagdag sa Palawan at iba pang mga lalawigan sa bansang nauna nang dinadambong ng mga dambuhala at mapaminsalang operasyong mina ng mga dayuhang korporasyon kasabwat ang mga lokal na burgesya komprador at burukrata kapitalista. Lahat ng ito para ihandog sa engrandeng proyektong Pax Silica ng US.
Kung saan aktibo at matalas ang tunggalian sa pagitan ng mga PML, Malaking burgesyang kumprador at burukrata kapitalista laban sa mga magsasaka at pambansang minorya, doon din salimbayan ang mga operasyong militar kapwa sa kanayunan at kalunsuran ng rehiyon sa pangunguna ng mga yunit ng 2nd IDPA, Solcom at Wescom. Pinakamatitindi at walang-lubay ang gradual constriction at focused and sustained military operations sa mga lalawigan ng Mindoro, ganundin sa ilang mga bayan sa Quezon, Rizal at Batangas. Ginigipit at binabantaan ng mga militar ang mga progresibong grupong naglulunsad ng konsultasyon sa mga magsasaka at katutubo sa Balabac, Palawan. Sa Lupang Ramos sa Cavite, sinampahan ng gawa-gawang kaso ang tatlong magsasaka habang nakakampo ang isang platun ng TF Ugnay ng 2nd IDPA na naghahasik ng takot sa mga lumalabang magsasaka. Sa Barangay Casile, Cabuyao, Laguna, nagpapatuloy ang banta ng panghaharas ng Emirates Security Services sa mga magsasaka at residente na tumututol sa pangangamkam ng lupa ng pamilyang Yulo. Matatandaang iligal na inaresto ng armadong maton ng mga Yulo ang 21 magsasaka matapos marahas na buwagin ang mapayapang protest camp ng mga magsasaka noong Pebrero.
Malinaw pa sa sikat ng araw ang kataksilang ginagawa ni Marcos Jr. sampu ng kanyang mga kasapakat sa masang magsasaka at buong sambayanang Pilipino. Para sa kanila, higit sa anumang delubyo ang hatid ng rehimeng US-Marcos II sa kanilang buhay, kabuhayan at karapatan. Marapat lamang siyang batikusin, singilin at tapatan ng rebolusyonaryong kolektibong galit ng mamamayan laluna ng masang magsasaka. Nananawagan kami sa malawak na mamamayan sa rehiyon at buong bansa na suportahan ang pakikibaka ng mga magsasaka sa kanayunan para ipagtanggol ang kanilang lupa, kabuhayan at karapatan. Magtungo sa kanayunan at alamin ang kanilang kalagayan, interes at mga saloobin at kasama sila’y ibunsod ang malawak at malakas na pakikibakang magsasaka na magmamartsa sa mga syudad at kalunsuran at yayanig sa mga lokal hanggang pambansang kabisera. Itambol ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pagpapalayas ng mga militar na protektor ng mga dambuhalang proyektong lokal at dayuhan.
Kasabay nito, tinatawagan namin ang malawak na hanay ng masang magsasaka na ang pagsalig sa kanilang sariling lakas ay ang paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan. Pangunahing digmang magsasaka ang DRB na isinusulong ng New Peoples Army na naglalayong palayain ang masang magsasaka sa kanilang atrasadong produksyon at monopolyo sa lupa ng panginoong maylupa. Sa tagumpay ng DRB at pagkamit ng sosyalismo makakamit ng masang magsasaka ang tunay na reporma sa lupa na batayan ng pambansang industriyalisasyon na maghahatid ng pambansang kaunlaran at kasaganaang tatamasahin ng lahat.
The post Masang magsasaka, maghimagsik at labanan ang pangangamkam at pag-atake ng rehimeng US-Marcos II sa lupa at kabuhayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

