Itinatag sa pusod ng Quezon City ang Kabataang Makabayan-Balangay Wendell Gumban noong ika-25 ng Setyembre 2026.
Bitbit ng balangay ang maalab na diwa ng makabayang pamamahayag na isinabuhay ni Wendell Gumban, o Ka Waquin sa kaniyang mga kasama, noong kapanahunan sa pamantasan bago mag-organisa sa sektor ng manggagawa at kalaunan ay tumungo sa kanayunan at tumangan ng armas bilang bahagi ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa panahon bilang isang estudyante-mamamahayag, tiniyak ni Ka Waquin na naging lunsaran ng pakikibaka ang publikasyong kaniyang pinagsilbihan sa pamamagitan ng kaniyang matalas na panulat. Mula sa mga artikulong isinulat tungkol sa mga demolisyon at pamamasista sa kabataan noong termino ni Arroyo, ipinatambol niya ang mga boses ng mamamayang inaapi.
Nang magtapos sa pamantasan ay kaniyang ipinagpatuloy ang pagkilos sa sektor ng manggagawa upang isapubliko ang kanilang mga hinaing, gamit ang mga isinusulat niyang press release. Kalaunan, nakipamuhay din siya sa piling ng mga Lumad sa Mindanao bilang isang boluntaryo at kalaunan ay naging rebolusyonaryo. Hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay, kasangga niya ang masa. Namartir si Ka Waquin sa isang engkwentro kontra sa mga sundalo ng 66th Infantry Battalion sa Compostela Valley noong 2014.
Bilang pagpupugay sa buhay ni Ka Waquin, ipagpapatuloy ng balangay ang pagsulong sa demokratikong rebolusyong bayan tungo sa ganap na kalayaan ng masang anakpawis, gayundin ang pagpapabagsak sa mga pangunahing dagok ng lipunan: ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.
Mabuhay si Ka Waquin!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
The post Pagkakatatag ng Kabataang Makabayan Wendell Gumban appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

