Pambansang Katipunan ng Magbubukid | National Democratic Front of the Philippines-Cagayan Valley
October 21, 2026

Sa gitna ng papatinding epekto ng El Niño, lalong tumatambad ang pinakamasahol na kahirapan at pang-aapi na dinaranas ng mga magsasaka sa ilalim ng malapyudal at malakolonyal na lipunan. Higit lalong tumatampok ang pagsasamantala ng burukrata-kapitalistang rehimeng US-Marcos Jr sa magsasaka’t taumbayan, sa kapabayaan nitong sagipin ang bumabagsak na kabuhayan ng mamamayan dulot ng kalamidad ng tagtuyot.

Sa buong bansa, ang rehiyon ng Cagayan Valley ang tinamaan ng pinakamatinding epekto ng tagtuyot. Nawasak ang nasa 71% ng mga palayan, maisan at gulayan dito. Umabot pa ng hanggang 80-97% ang pagbagsak ng ani sa palay. Sa pagtama ng El Niño, nalalagay ang mga magsasaka sa napakahirap na sitwasyon dahil ang pinakamalawak na sakahan sa rehiyon ay walang maayos na patubig at umaasa lamang sa sahod ulan. Sangkatlo lamang ng 457,246 ektarya sa buong Cagayan Valley ang kayang patubigan ng National Irrigation Administration (NIA), at malamang ay mas mababa pa ito dahil maraming irigasyon ang hindi na gumagana. Kung saan naman may ilang pasilidad sa patubig, kailangang gumastos ang mga magsasaka para sa mentinasyon ng mga ito, kagaya ng pagbabayad ng ₱4,320 na halaga ng palay kada ektarya. Malinaw na ipinapapasan sa mga magsasaka ang dapat sana ay suportang serbisyo mula sa gobyerno. Ngayong tagtuyot, maraming magsasaka ang gumagamit ng water pump sa pagsahod ng tubig, at napipilitan silang pasanin ang malaking dagdag na gastos sa diesel na pumapalo na ngayon ng hanggang ₱125/litro sa Cagayan Valley.

Patong-patong na pasakit ang idinudulot ng El Niño sa magsasaka dahil sa walang awat na pagtataas ng ganid na kapitalistang kartel sa presyo ng langis, na otomatikong nagpapasirit sa presyo ng farm inputs at bilihin, habang patuloy namang ibinabagsak ng mga trader ang presyo ng bilihan sa palay at mais. Kaya luging-lugi at lunod sa utang ang magsasaka, at lumalangoy naman sa superganansya ang mga monopolyo kapitalista, malalaking burges kumprador, kasama ang mga panginoong maylupa’t komersyante-usurero na walang awang kumokolekta sa magsasaka ng upa sa lupa at mataas na interes sa pautang, kahit walang sapat na ani.

Sa harap nito, gamumong ayuda ang ipinapatak ng rehimeng Marcos Jr sa tigang na sakahan. Ang gastos ng magsasaka para sa isang ektarya ng palayan sa rehiyon ay umaabot sa ₱70 libo, samantalang ₱10 libo lamang ang naibibigay sa kakaramput na ehistrado sa RSBSA. Sa maisan ay 2 sako ng binhi sa isang ektarya ang kailangan, samantalang 1 sako ng binhi lamang ang tinatanggap nila mula sa DA.

Hindi na nga sapat ay kakaunti lamang din ang nabibigyan ng mga benepisyo’t ayuda, kagaya na lamang ng libo-libong manggagawang bukid ng Cagayan Valley, na sumasahod lamang ng hanggang sa napakababang sa ₱300 kada araw.

Dahil laging tinatamaan ng tikag, ang Cagayan Valley—na itinuturing na rice granary ng Luzon at pangalawang prodyuser ng bigas sa buong bansa—ay hindi na makapagprodyus ng sapat na lokal na bigas, at bumibili at nangungutang na ang magsasaka’t mamamayan dito ng napakamahal na imported na bigas.

Nakakalungkot isipin na nandito sa rehiyon ang pinakamalaking river system sa buong bansa, ang Cagayan River, subalit tuyot ang pinakamalawak na sakahan nito. Ito ay dahil wasak na ang watershed dito, ang Sierra Madre, na sinira ng ilang dekada nang logging at pagmimina na sinimulan ng imperyalistang US noong sinakop nito ang Pilipinas, at ipinagpatuloy ng kutsabahang dinastiya ng malalaking burges kumprador at panginoong maylupa at mga dayuhang kumpanya sa logging at mina. Hanggang sa kasalukuyan, lumalaban ang magsasaka’t katutubo sa patuloy na pandarambong sa mga kabundukan ng rehiyon ng mga dayuhan at malalaking kumpanya sa minahan.

Malawak na kagubatan na din sa rehiyon ang hinawan upang gawing plantasyon ng tubo, cassava at mga high-yielding variety (HYV) para sa negosyo ng mga dayuhang kumpanya at malalaking burges kumprador. Sinira din ng mga HYV na ito ang natural na taba ng lupa na lalong nagpapahirap sa pagbubungkal sa panahon ng tagtuyot.

Sa proyektong Pax Silica ng US, nanganganib na lalo pang mawawasak ang watershed dahil narito sa ating rehiyon ang ilang minerales kagaya ng gold, copper, manganese at iron ore na kailangan sa produksyon ng mga gamit pandigma ng imperyalistang US.

Ang magsasaka ng Cagayan Valley ay labis na bulnerable sa pagtama ng mga kalamidad kagaya ng tagtuyot dahil sa dati nang bagsak na kabuhayan na umiikot sa siklo ng pagkakautang at dulot ng kawalan ng sariling lupa. Pito sa bawat sampung magsasaka sa Cagayan Valley ay nabubuhay sa pakikisaka. Lumalaki pa ang bilang ng nawawalan ng lupa dahil sapilitang ibinebenta o isinasangla na lamang ang mga ito dahil sa tuloy-tuloy na pagkalugi. Ang kawalan ng lupa ay pinasasahol pa ng land conversion at iba pang sistematikong paraan ng pangangamkam ng mga dayuhang negosyo at panginoong maylupa.

Sinaid na ng mga kurakot na burukrata kapitalista ang pondo ng bayan kaya walang maibigay na sapat na ayuda sa mga magsasaka, lalo na sa panahon ng mga kalamidad. Kahit papalala pa sa susunod na taon ang El Niño, nakapagngingitngit na binawasan pa ng reaksyonaryong gobyerno ang badyet sa 2027 para sa agrikultura, para sa irigasyon, subsidyo sa produksyon at pagresponde sa mga kalamidad.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos ang mamamayang nagdurusa sa matinding tagtuyot at iba pang hamon sa kanilang buhay at kabuhayan, at kumikilos upang ito’y organisadong harapin, ay dinadahas ng reaksyonaryong estado. Hinaharas ng militar at pulis ang mga magsasaka at manggagawang bukid, binubuwag ang mga barikadang kontra-mina, nilulusob ang mga kampuhan ng mamamayang naghahapag ng mga kahingian, inaaresto ang mga lider-magsasaka, ginugulo ang mga asembliya at pangkat bayanihan sa mga komunidad. Malaganap ang paggamit ng NTF-Elcac sa pwersahang pagpapasurender, red-tagging, panggigipit, surveillance at pagsasampa ng gawa-gawang-kaso sa mga lider-magsasaka, at kanilang mga tagasuportang abogado at taong simbahan. Nito nga lamang nakaraang 7 araw, sistematikong ginagamit ng rehimeng US-Marcos ang pasistang paniniil laban sa mga pagkilos at pagtitipon ng mga magsasaka ng Cagayan at Isabela.

Makatarungan lamang na igiit ng magsasaka ang sapat na ayuda at subsidyo sa panahon ng kalamidad. Kailangang tubusin ang ninanakaw na pondo ng bayan at ibuhos sa pagliligtas sa pagbagsak ng kabuhayan ng mamamayan. Subalit higit pa sa paglaban para makuha ang ayuda kaugnay ng kalamidad, kailangang isulong ang pakikibaka upang pigilan ang pandarambong ng mga imperyalista’t burukrata kapitalista sa ating kalikasan.

Libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang nagbubungkal ng lupa, o tunay na reporma sa lupa, ang ultimong solusyon sa dinaranas ngayong labis na kahirapang hindi lamang dulot ng El Niño, kundi ng pangkalahatang krisis sa ekonomiyang dala ng paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa bansa.

Ngayon, higit kailanman, pinakakailangan na isulong ang agraryong rebolusyon at kamtin ang tunay na reporma sa lupa. Ito ang nasa sentro ng pambansa-demokratikong rebolusyon na babaklas sa malapyudal at malakolonyal na sistema ng lipunan. Isasakatuparan ito ng rebolusyonaryong gulugod ng kilusang magsasaka, ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM), katuwang ang New People’s Army.

Sa gitna ng ibayong pagpapahirap at karahasan ng estado, ang magsasakang Cagayano ay higit na kailangang sumalig sa kanilang rebolusyonaryong lakas at isulong ang armadong pakikibaka upang lumaya mula sa pyudal at malapyudal na pang-aapi at pasistang panunupil, at isulong ang reporma sa lupa bilang saligan sa pambansa-demokratikong pagbabago.

The post Isulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansa demokratikong rebolusyon sa gitna ng malupit na hagupit ng El Niño! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.