Naglunsad ng press conference ang Migrante-BC at Damayan BC noong Oktubre 14 sa Voor Urban Labs upang ilantad ang iligal na mga rekruter na sina Cherry May Ricafort at Vincent Macalipay na nang-scam sa 17 migranteng manggagawa. Nanawagan ang mga grupo sa gubyerno ng Pilipinas at Canada na maglunsad ng agarang imbestigasyon at bigyan ng suporta at proteksyon ang mga biktima ng trafficking.
Dumating ang 17 Pilipino sa Canada para sa seasonal na trabaho sa tabing dagat. Nang malapit nang mapalso ang kanilang permit, inalok sila ng agency nin Ricafort at Macalipy na Helping Hands Immigration Services (HHIS) ng trabaho sa British Columbia. Pangako ng ahensya may Labour Market Impact Assessment (LMIA) ang trabahong naghihintay sa kanila. Ang LMIA ay isang dokumento na dapat kunin ng isang employer sa Canada mula sa gubyerno bago sila makapag-hire ng dayuhang manggagawa para sa mga partikular na trabaho.
Para rito, nagbayad ang mga biktim ng CA$5,000–8,000 (humigit-kumulang P221,000 hanggang P354,000) sa personal na bank account ni Ricafort at sa rehistradong business account na Strive Employment and Labour Contractors Services Ltd.
Matapos tanggapin ang bayad, inutusan ang mga manggagawa na pumunta sa Vancouver upang pumirma ng kasunduan. Sa ilalim nito, kailangan nilang dumaan sa probationary period upang patunayang kaya nilang gumawa ng farm work. Ngunit lima sa kanila ay ipinadala sa mga hotel sa Vancouver upang magtrabaho bilang housekeeper, samantalang ang labindalawa ay dinala sa mga farm sa Keremeos.
Inutusan sila ni Ricafort na manahimik tungkol sa kundisyon sa trabaho. Dalawang buwan silang nagtrabaho sa mga hotel bago malamang babayaran sila ng CA$7.50 (humigit-kumulang P330) kada nilinis na kuwarto sa halip na hourly pay. Ang minimum wage sa probinsya ay CA$18.25 kada oras, samantalang ang living wage sa Vancouver ay CA$27.85 kada oras.
Nang malaman nilang walang LMIA ang kanilang employer, nagpasya silang bawiin ang aplikasyon at humingi ng refund. Ngunit sinabi ni Macalipay na hindi ito refundable at binalaan sila na tatawagan niya ang pulisya at Canada Border Services Agency (CBSA) dahil wala umanong silang ligal na katayuan at maaari silang ideport.
Sa mga sakahan, inutusan silang huwag magsalita sa mga kapwa manggagawa tungkol sa kanilang sitwasyon. Marami sa kanila ang nagtatrabaho ng 80 hanggang 100 oras kada linggo ngunit sinasahuran lamang ng para sa 40 oras. Pinagbabawalan din silang mag-day-off. Ipapadala ng mga employer ang sahod kina Ricafort at Macalipay, na babawasan ng CA$550 (P22,115) para diumano sa “processing fee.” Sinabi ring CA$120 (P5,300) ang singil sa tutuluyan, ngunit CA$350 (P15,480) ang aktwal na ibinawas.
Sa Mom and Pops Farm Market, nalaman nilang sinabi ni Macalipay sa employer na may two-year work permit sila, ngunit walang planong kumuha ng LMIA ang mga employer. Sa Lidhar Farms, hindi rin natugunan ang mga tanong nila tungkol sa LMIA, sahod, at deduction. Nang tumutol sila at sabihing hindi sila babalik sa trabaho hanggang mabigyan ng work permit, sinabihan sila ng employer na umalis na sa farm. Doon sila kumonekta sa Migrante BC at Damayan BC na tumulong sa kanilang pag-alis.
Ayon sa mga grupo, hindi bababa sa walong iba pang biktima ng HHIS ang lumapit upang humingi ng tulong.
Ayon sa Migrante BC, ang kaso ng HHIS17 ay hindi nahihiwalay kundi bahagi ng malawak na padron ng labor trafficking na nagsasamantala sa desperadong mga migrante. Bunga ng Labor Export Program na itinatag noong 1974 sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr. at ipinagpapatuloy hanggang ngayon, umaabot sa 10,000 Pilipino ang lumalabas ng bansa araw-araw upang maghanap ng trabaho.
Malinaw na may pananagutan ang Canada bilang labor-importing country at ang Pilipinas bilang labor-exporting country sa pagpapahintulot at pagpapalaganap ng labour trafficking at pagsasamantala sa mga migrante.
The post Hustisya para sa 17 biktima ng iligal na rekruter sa Canada, ipinanawagan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

