Mariing kinukundena ng NDF-Mindoro ang mga kaso ng paglabag ng AFP sa karapatang-tao ng sibilyan at bata alinsunod sa International Humanitarian Law (IHL). Noong Oktubre 14, 2026 nagkaroon ng labanan sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro at pinagsanib na pwersa ng 1st IBPA at 5th SRB sa ilalim ng 203rd Brigade at 2nd ID sa Sitio Badyang, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro. Naiulat ang kaso ng pag-aresto ng magsasaka na si Miguel Magbato sa araw ding iyon.
Si Magbata ay kilalang organisador ng mga magsasaka at katutubong Mangyan sa lugar na may kinakaharap na isyu ng pagsasapribado ng serbisyong patubig at kawalan ng tulong ng reaksunaryong gubyerno sa hanay ng mga magsasaka at minorya. Paglabag ito sa IHL na malinaw na nagsasaad ng paggalang sa karapatan ng mga sibilyan sa kurso ng mga armadong tunggalian ng dalawang gubyerno sa isang bansa.
Ayon sa mga natipong ulat, si Magbata ay kagyat na isinailalim sa tortyur matapos iligal na arestuhin pagkatapos ng engkwentro at dalhin sa kampo ng militar sa Mansalay. Matapos na tumangging pumasok sa pekeng pagpapasuko at pagpapahamak sa kanyang kababaryo, dinala at ipiniit si Magbata sa Roxas Municipal Police Station kung saan nagpapatuloy ang pagtortyur sa kanya. Hindi pa nasapatan na pinaratangang kasapi ng NPA, sinampahan din siya ng 11 gawa-gawang kaso.
Nilabag din ng 203rd Bde ang karapatan ng mga anak ni Magbata upang gamitin sa kanilang panlilinlang at kasinungalingan. Ipinalaganap sa social media sa pamamagitan ng mga pahayag at pagpost ng picture ang isinaayos na diumanong “maayos na pagkikita” ng pamilya ni Magbata. Malinaw na ito ay pagpapakitang-tao ng mga militar sa harap ng madla habang sa likod nito ay isinasailalim na sa mental na tortyur si Magbata at pananakot sa kanyang pamilya. Isa itong anyo ng pang-hohostage sa kapakanan ng mga bata, at pagtatak sa mga ito bilang mga “anak ng terorista”. Ito ba ang makataong pagtrato na sinasabi ng 203rd Brigade sa kanilang bulaang pahayag sa social media at media?
Gayundin, nagpapatuloy ang operasyong militar sa buong Bulalacao at Oriental Mindoro para tugisin ang nakasagupaang yunit ng LdGC. Naiulat ang isinagawang istilong hamlet na ipinatupad ng mga militar sa sityo Badyang. Ipinatupad din ang patakarang angkop sa batas militar tulad ng pagbabawal matulog sa labas ng baryo at pumunta sa kaingin. Naiulat ang pagpapatigil ng mga klase ng mga eskwelahan imbes na dapat ang ipatigil ay ang operasyong militar. Tiyak na dadami pa ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao sa kurso ng panghahalihaw sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo.
Makatarungan ang panawagan ng mamamayang Mindoreño, grupong makatao at mga kaanak ni Magbata na palayain siya. Nananawagan ang NDF-Mindoro sa mga mapagkawanggawang organisasyon, makabayang lingkod bayan at abogado na tulungan si Magbata, ang kanyang mga anak, pamilya at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa Bulalacao. Sa panahong ito lalong kailangang magkaisa ang mamamayang Mindoreño para tutulan at labanan ang karahasan ng militar sa kanilang komunidad. Marapat ding igiit ang karapatan na maghanap-buhay at palayasin ang nag-ooperasyong sundalo na peste at perwisyo sa mga magsasaka sa kanayunan.
Marapat na singilin at papanagutin ang 203rd Brigade sa mga paglabag na ito. Lalong napopoot ang mamamayan sa kanilang pasistang pang-aatake sa Mindoro. Ang makauring galit na ito ang nasa likod ng papalakas na paglaban ng mga Mindoreño para sa lupa, kabuhayan, karapatan, kalayaan at tunay na kapayapaan.
The post Papanagutin ang 203rd Brigade sa mga paglabag sa karapatang tao! Igalang ang karapatan ng mga sibilyan at bata! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

