Nananawagan si Most Rev. Luisito Occiano, D.D., Obispo ng Virac, ng moratorium o pansamantalang pagpapatigil sa lahat ng panukala at kasalukuyang aktibidad ng pagmimina sa Catanduanes. Ito ay hangga’t hindi natitiyak ang mga kinakailangang pananggalang para sa kalikasan at mga komunidad na maaaring maapektuhan nito.

Sa inilabas niyang pastoral letter noong Oktubre 14, hinimok ni Bishop Occiano ang mga mananampalataya, upisyal ng gubyerno, nagtataguyod ng pagmimina at iba pang sektor na magkaisa sa pangangalaga sa isla laban sa mga mapanirang pagmimina.

Aniya, dapat na nakatuon ang kaunlaran sa kapakanan ng mamamayan, paggalang sa dignidad ng tao at pagtataguyod sa kabutihan ng lahat, sa halip na ilagay sa panganib ang kapaligiran, kabuhayan at buhay ng mga residente.

“Walang pangakong pang-ekonomya ang maaaring magbigay katwiran sa paglalagay ng buhay sa panganib at sa hindi mababawi na pinsala sa aming isla,” paliwanag ni Bishop Occiano.

Nananawagan din siya na imbestigahan ang naulat na pagkasawi at mas mahigpit na pagpapatupad ng batas sa kaligtasan at kalikasan.

“Ikinlalungkot namin ang mga ulat na pagkamatay sa mga lugar ng pagmimina ng ginto sa aming lalawigan. Bawat pagkamatay ay isang trahedya. Sa likod ng bawat minero ay isang pamilyang naiwan,” pahaayga ni Bishop Occiano. “Hindi kailanman dapat maging kapalit ng tubo ang buhay ng tao.”

Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa panukala na aabot sa limang ektary ang planong minahan. Aniya, maaaring maliit ang limang ektarya sa papel, ngunit hindi lamang sukat ang batayan sa pagsukat ng pinsala ng pagmimina. Kailangan ding masusing suriin ang lokasyon nito at ang posibleng epekto sa mga komunidad at pinagkukunan ng tubig.

Sumusuporta ang simbahan sa pag-unlad, ngunit tutol ito sa mga proyektong naglalagay sa panganib nang seryoso ang buhay ng tao, kabutihang panlahat, at kapaligiran, dadag ni Bishop Occiano.

Nanawagan din siya para sa mas ligtas na kondisyon sa trabaho at sustenableng hanapbuhay para sa mga minero na nanganganib ang buhay dahil sa kahirapan at kawalan ng trabaho.

“Hindi namin sila kinokondena,” aniya. “Ang aming tanong: Bakit kailangang ipahamak ng ating mga kababayan ang kanilang buhay upang lamang mapakain ang kanilang pamilya?” tanong ni Bishop Occiano

Nakatakdang basahin nang buo ang liham sa mga misa tuwing linggo sa bawat parokya at kapilya ng Diocese of Virac.

The post Obispo ng Virac, nananawagan ng pagpapahinto sa pagmimina sa Catanduanes appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.