Nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao sa Mindoro at Southern Tagalog na palayain si Miguel Magbata, organisador ng mga magsasaka at katutubo sa isla ng Mindoro, na anila ay iligal na inaresto ng militar noong Oktubre 14. Si Magbata ay sinasabing naaresto ng 203rd IBde sa Sityo Badyang, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro matapos ang isang armadong engkwentro sa pagitan ng yunit nito at ng Bagong Hukbong Bayan.

Bago tuluyang isinapubliko ng militar na nasa kustodiya ng estado si Magbata, ilang araw siyang sadyang itinago matapos dukutin. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Roxas Municipal Police Station. Ayon sa 203rd IBde, kumahaharap si Magbata sa 11 kasong kriminal at sinampahan pa nila ng karagdagang limang kaso.

Ayon sa Karapatan-Southern Tagalog, dumanas si Magbata ng matinding pambubugbog, tortyur, at interogasyon habang nasa kustodiya ng militar. Dagdag ng grupo, dahil sa pambubugbog at torytur ay nangangailangan ng serbisyong medikal at agarang tsek-ap si Magbata.

Samantala, binatikos ng grupo ang paggamit ng militar sa mga anak at pamilya ni Magbata. Walang pahintulot na isinapubliko ng 203rd IBde sa isang Facebook post ang mga larawan ni Magbata kasama ang kanyang pamilyang bumisita. “Pangamba ito sa seguridad at kaligtasan ng mga anak at kamag-anak ni Magbata,” ayon sa grupo.

Ayon sa Karapatan-Southern Tagalog, ang mga hakbang ng 203rd IBde laban kay Magbata at kanyang pamilya ay lubhang paglabag sa kanyang karapatang-tao at sa internasyunal na makataong batas o IHL. Hinimok ng grupo ang mga demorkratiko at patriyotikong sektor na makiisa sa panawagang palayain si Magbata at ang iba pang bilanggong pulitikal.

The post Inarestong organisador ng magsasaka at katutubo sa Mindoro, panawagang palayain appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.