Minsan,
naghangad ang mga hangal
na hadlangan ang marangal.
Halang sila para harangin
ang hangarin mong maglaan
ng sarili sa taumbayan.

Ngunit tunay sadya ang turan
ng kasaysayan — ang tulad mong
‘di pangkaraniwan
ay walang hangganan.

Hangal nga!
Maihihiwalay ka nila
sa M203 mong tangan.
Malalagot ang paghinga
sa isang labanan.
Ngunit ang hindi nila
kailanman magagagap at
malalaman:

na si Moy at ang kaniyang M203
ay signipikanteng bahagi
lamang din ng mas papasidhi
pang digmaan ng mga api
laban sa mga panggap na hari.

Mawaglit
man sa iyong tabi
ang iyong M203,
hindi naman kailanman
mangangahulugang
tapos na ang digmaan.
Libong anakpawis at kabataan
ang ngayo’y humahakbang,
tungo kung saan nila masusundan
ang pag-aambag mong sinimulan.
Palaging matatagpuan ng armas
ang landas niya pabalik sa
bisig ng taumbayang nag-aaklas.

Mananatili
si Moy sa mga larangan.
Katawan niya lamang
ang nagawa ninyong yurakan.
Si Moy? Hindi, kailanman.
Luwal siya ng pagmamahal;
pagmamahal din ang naghalal
sa kaniya para itanghal
bilang bayani hanggang sa
kaniyang pagkabuwal.
Bayani ng masa na
walang kapaguran niyang
pinaglingkuran.

Nabubuhay si Moy sa isipan
at sa puso ng mamamayan.
Sumusuhay pa rin
ang kaniyang simulain
sa pagpapatuloy ng
dakilang adhikain.
Nakaalinsabay pa rin
ang pakikibaka sa kanayunan
sa kumpas ng digmang bayan.

Gumagabay pa rin sa aming
kaniyang mga naiwan
ang mga pangaral at paalala
para magpatuloy sa paghakbang.

At ngayon,
isinusuka na ng kanayunan
kayong mga bayarang sundalo
ng estado. Matapang
lamang kayo hangga’t
may tingga pa at pulbura
na pumupuno sa bungo ninyo.
Nauubos din ang mga ammo.
Nasasaid din ang rekurso.
At ngayong galit na ang tao
sa iwinawaldas ninyong mga pondo,
hindi napakalayo, sa isang punto,
bibitiwan na rin kayo
ng imperyalista ninyong amo.
At dahil sa kaibutura’y pasista kayo,
nabibilang na ngang tunay ang araw ninyo.

Habang
si Moy at ang kaniyang M203,
nasa kanayunan, nananatili.
Nasa mga larangan, at hindi
naglulubay sa pagiging haligi.
Nasa mga tahanan ng mga api,
‘pagkat doon siya kinakandili.

ni Pako Burgos
Kabataang Makabayan-Jordan Mopon Chapter

The post Rap para kay Ka Moy/Sy appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.