Gunitain at pagpugayan ang buhay na inialay ni Jordan “Ka Boyong/Ka Sy” Mopon sa unang taon ng anibersaryo ng kanyang kamatayan.

Itanghal ang ating mga armas, itaas ang bandila ng ating Partido at pagtibayin ang ating Hukbo sa ala-ala ng ating magiting na pulang kumander at sa lahat ng ating mga kasamang nagbuwis ng buhay alang-alang sa rebolusyon.

Kung inaakala ng mga pasistang kaaway na sa pagkabuwal ni Ka Boyong ay nakitil na rin nila ang NPA sa lalawigan ng Rizal ay nagkakamali sila. Sa kabila ng malalaking pinagsanib na operasyon ng Joint Task Force 7-2 sa layuning durugin ang pulang hukbo ay bigong-bigong silang wasakin ito. Bagkus lalu lamang nitong, pinag-aalab at pinalalakas ang diwa at kapasyahan ng mga naiwang pulang mandirigma at mga upisyal na patuloy na nagpupursige, nagwawasto, nagpapalakas at buong-buhay na isinusulong ang digmang bayan para sa aping mamamayan.

Sa araw na ito, pinakamataas na pagpupugay at pulang saludo ang ipinapaabot ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA-Rizal kay Jordan “Ka Boyong” Mopon, magiting na Pulang kumander at minamahal na lider ng Partido sa Rizal.

Nasawi si Ka Boyong sa isang labanan sa pagitan ng NAAC at ng pasistang 70th IB, 73rd DRC, 703rd Infantry Brigade sa Sarumbibit, Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan, noong Oktubre 17, 2025.

Ipinanganak si Ka Boyong noong Disyembre 7, 1984 sa isang pamilya ng panggitnang magsasaka sa Antipolo, Rizal, pangatlo sa anim na magkakapatid. Sa kanilang magkakapatid, siya ang pinakamahilig at mapag-asikaso sa pagtatanim, kaya naman kabataan nitong edad ay siya ang inaasahan ng kanilang pamilya sa pagbubukid.

Araw-araw, mag-uula siya ng kanilang kalabaw, aatupagin ang kanilang bukid, maggagala, at pauwi sa bahay ay pasan-pasan na niya ang gagamiting panggatong.

Bagama’t umabot ng 2nd year high school sa burges na paaralan, ‘di hamak na mas kinahiligan nito ang pagtatanim at iba pang trabaho. Lahat ng kanyang kinikita ay kanyang ibinibigay sa kanyang magulang.

Bukod sa pagiging responsable sa pamilya, ang pagkahilig nya sa pamamasyal sa iba’t ibang bahagi ng Rizal ang naglapit sa kanya sa maraming kapwa Rizaleño at naging malawak nyang balon ng mga kaibigan.

Dekada 90 unang nakadaupang palad ni Ka Boyong ang NPA. Panahon ito na maraming pamilya sa Rizal ang nauugnayan, naoorganisa at binasehan ng mga yunit. Naipaloob siya sa grupong pang-organisa ng kabataan sa kanyang baryo at tuloy-tuloy na kumilos para sa rebolusyon bilang kabataang magsasaka. Gumampan siya ng mga gawain bilang courier sa iba’t ibang baryo sa Rizal, nagpapaabot ng mga mensahe ng mga kasama, at nagpapaabiso’t nag-oorganisa para sa mga pagkilos ng mamamayan, habang gumampan din ng mga gawain sa paniktik.

Saksi siya sa mga tagumpay sa rebolusyong agraryo, kung saan nakamit ng masang Rizaleño ang kanilang karapatan sa lupa na patuloy nilang pinakikinabangan ngayon.

Tapat na mandirigma, magiting na kumander

Taong 2000 siya sumampa sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan. Sa unang taon pa lamang niya, hinarap niya ang hamon ng pagkakabihag sa isang depensibang labanan sa Sityo Lagyo, Barangay Puray, Montalban. Kasama ang dalawa pang mandirigma, sumailalim sila sa tortyur upang patugain ng impormasyon laban sa yunit, at sapilitang isinama sa mga operasyon ng AFP upang ilantad ang base.

Sa kabila nito, itinanggi niya kahit sa harap ng masang pinaglilingkuran niya ang kanilang ugnayan at ang pagkilos nila para sa rebolusyonaryong kilusan. Dito nagsimulang umani ng mataas na pagkilala si Ka Boyong mula sa masa, na nakita ang katatagan at mataas na kahandaan niyang magsakripisyo alang-alang sa kaligtasan nila.

Tapat sa kanyang makauring paninindigan, ginawa niya ang kanyang makakaya upang kumawala sa kamay ng reaksyunaryong estado at matapos ang ilang panahon ay muling sumampa sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan.

Mula 2002, kumilos si Ka Boyong bilang Pulang mandirigma hanggang sa maging Pulang kumander ng hukbong bayan.

Responsable sa gawain si Ka Boyong, at mahigpit na humahawak sa mga atas habang pinagagana ang kanyang inisyatiba, pagkamalikhain at pagkamaparaan upang tuparin ang mga ito. Magiliw siyang makipagkwentuhan sa masa at laging inilalapit ang sarili sa kanila. Higit pa rito, mataas ang pandama niya sa mga praktikal na pangangailangan ng masa. Ilang dekada man ang nakalipas ay hindi malilimutan ng mga may-edad sa mga sityo ang pagiging matulungin ni Ka Boyong bilang kabataang mandirigma sa kanilang mga bahay at bukid, mula sa pagtatanim hanggang sa pagbubuhat ng mabibigat nilang gamit. Bilang opisyal, sinasanay niya ang kanyang tropa na mabilis na tumulong sa produksyon, trabaho, gawaing bahay at usaping pangkalusugan ng mamamayan.

Tampok na kalakasan ni Ka Boyong ang katapangan at kahusayan nito sa larangang militar, dahilan para tuloy-tuloy siyang mag-aral, magsanay at mag-ambag sa gawaing ito. Kabilang siya sa mga Pulang kumander at mandirigma na binuo bilang Task Force sa rehiyon ng Timog Katagalugan noong 2005 upang bigwasan ang rehimeng US-Arroyo at mga pasista nitong galamay na AFP-PNP sa kasagsagan ng pananalasa ng Oplan Bantay-Laya II.

Dito siya natuto at humusay sa pakikidigma, sa pamamagitan ng pakikidigma. Halos araw-araw na pakikipaglaban sa mga tropa ng 16th IB, mga DRC ng 2nd ID, Scout Ranger, SAF-PNP at iba’t iba pang mersenaryong tropa sa rehiyon ang hinarap ng Task Force upang biguin ang OBL II at palakasin ang NPA. Naging entablado ng pagsasanay ang naturang kampanyang militar para sa mga mga hinuhubog na opisyal militar sa antas larangan, probinsya at subrehiyon, tulad ni Ka Boyong.

Matapos ang kampanya ng Task Force, sunod-sunod na kampanyang militar naman ang nilahukan ni Ka Boyong sa saklaw ng kanilang teritoryo, kung saan namuno siya bilang iskwad lider.

Mula 2007, tuloy-tuloy nang hahawak si Ka Boyong ng mga yunit bilang platun lider. Idinirihe niya ang kanyang mga naging yunit para sa araw-araw na gawain sa base tulad ng pag-oorganisa, produksyon, propaganda at edukasyon, kasabay ng mga gawain sa armadong pakikibaka tulad ng paniktik at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Taong 2015 siya gagampan bilang platun lider ng yunit ng sentro-de-grabidad (SDG), na matalino at mapangahas na humawak ng inisyatibang militar sa saklaw nito upang palakasin ang hukbo at biguin ang palalong AFP-PNP. Sa 7 magkakasunod na taon, sa ilalim ng kanyang pamumunong militar, walang natamong pinsala ang Pulang hukbo sa mga labanan nito sa AFP-PNP.

Ilan sa mga tampok na taktikal na opensibang pinamunuan ni Ka Boyong ay ang mga reyd sa mga mapaminsalang quarry sa Rizal tulad ng Pacific, ng JCR noong 2013, at ng Monte Rock noong 2018. Ang mga reyd na ito ay naglayong ipatigil ang mga operasyon ng quarry na lubhang nakakawasak sa kalikasan at nagpalala ng mga baha, pagguho ng lupa at iba pang kalamidad–mga daing ng masa na isinawalambahala ng mga reaksyunaryong rehimen.

Samantala, ipinamalas ni Ka Boyong ang opensibang postura ng BHB sa mga planado at dagliang ambus, at mga atritibong operasyong isnayp hanggang sa mga nagdaang taon. Ilan sa mga ito ay ang ambus sa Viewdeck sa Sityo Nayon, Barangay Sta Inez, Tanay, noong 2014, at mga dagliang ambus sa Barangay Lumutan noong 2017 at Lower Lumutan noong 2019.

Sinasagpangan ni Ka Boyong ang mga pagkakataon upang bigwasan ang mga mersenaryo at pasistang yunit ng 80th IB, 1st IB at iba pa, na mga galamay ng reaksyunaryong mga rehimen upang itulak ang mga kontra-mamamayang proyekto tulad ng Laiban Dam at Kaliwa Dam, at para isagawa ang mga madudugong krimen at paglabag sa karapatang-tao.

Sa mga TO na ito, ipinakita ang mataas na kahandaan at kakayanan ng hukbong bayan na ipagtanggol ang interes ng mamamayang Rizaleño. Ito rin ang mga dahilan kung bakit nagngingitngit sa galit ang pasistang kaaway kay Ka Boyong, na ilang ulit silang pininsalaan at pinauwing bigo.

Lider ng Partido

Lider si Ka Boyong hindi lamang sa hukbong bayan, kundi ng Partido Komunista na aboslutong namumuno dito. Bilang lider ng Partido, itinataguyod ni Ka Boyong ang mga linya at prinsipyo ng Partido upang hubugin ang kanyang tropa bilang proletaryadong hukbo. Naging hamon kay Ka Boyong pana-panahon kapwa ang pagbabalanse ng dalawa niyang namumunong papel at ang pagtataguyod ng dalawahang pamumuno sa hukbo, lalo sa proseso ng kilusang pagwawasto.

Gayunman, mulat na pinipili ni Ka Boyong na maging bukas, tapat at matatag sa pagbabaklas ng mga lumang praktikang nakasanayan niya, at laging ipinupwesto ang sarili na makipagkaisa. Hinahawakan niya ang demokratikong sentralismo bilang prinsipyo sa organisasyon at paraan upang kumilos nang nagkakaisa ang pwersa sa ilalim ng kanyang pamumuno. Bukas at masipag siyang mag-aral, at isa sa mga nalinang niya sa sarili ang ugali ng pagbabasa, kapwa ng teorya at mga lagom na praktika, bilang gabay sa pagkilos. Isa rin siyang mahusay na instruktor, kapwa ng teoretikal at praktikal, at pulitikal at militar na mga paksa. Iniuugnay niya ang mga paksa sa kongkretong karanasan niya at ng kanyang mag-aaral upang mabilis na mapasapol ang mga napapanahong aralin. Ahitado siyang magbahagi ng mga sariwang aral mula sa mga paglalagom upang ipalaganap at patimuin ang mga ito sa mga kasama. Mataas ang rebolusyonaryong optimismo ni Ka Boyong, at lagi nitong nagagawang tanawin ang mga kakamting tagumpay sa bawat kasunod na yugto ng gawain, kahit sumasapit sa mga pagkabigo at pag-atras ang pwersa. Ang kahusayan ni Ka Boyong bilang kumander at lider ay nakaugat sa kanyang kapangahasan, kapursigihan at pagkamaparaan, na nagdadala sa kanya lagpas sa mga balakid at tungo sa tagumpay.

Sa kanyang pagkasawi, bitbit siya ng marami sa kanilang gunita. Uliran siyang asawa sa kanyang agum-at-kasama sa pakikibaka, at mapagmahal at ipinagmamalaki niya ang kanyang tatlong anak. Sa mga kasama, laging aalingawngaw ang kanyang tinig na nagpapaalala, nananawagan sa kusina, nagbibiro at nag-aatas. Magdadalamhati ang laksa-laksang masa na siya ang unang hinahanap tuwing makikita ang NPA.

Tunay na singbigat ng Sierra Madre ang pagkabuwal ni Ka Boyong, ngunit singlawak din nito ang hanay ng mamamayang nagmamahal sa kanya at sa buong rebolusyonaryong kilusan na handang patuloy na mag-ambag sa pakikibakang nilahukan at pinamunuan niya.

Marami nang sumibol na mga bagong opisyal militar na ipinunla ng kanyang pagsasanay at humusay sa kanyang direksyon at ipinagtagumpay ang mga serye ng mga opensiba laban sa naghaharing uri at para sa mamamayan.

Handa silang sumunod sa mga yapak ni Ka Boyong bilang Pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Lalo lamang sisindihan ng kanyang pagpanaw ang diwa ng mamamayang nakaulayaw niya at nagmamahal sa kanya upang bigyang-hustisya ang kanyang pagkamatay at ipagpatuloy ang rebolusyon.

Pulang saludo kay Ka Boyong!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

____

[Untitled]

tula ng Pulang Bandila, BHB-Rizal

Larawan ka ng katapangan
Sa tindig, tinig at tikas
Presensya mo’y pagpapakita ng lakas
Ng minamahal na hukbong bayan

Ngunit hindi kang husto sa tapang
Sa 25 taon, pinaunlad ang gulang
Mabilis dumiskarte sa laban
Pag-iingat hindi bibitawan

Sa hirap at sakripisyo
Matitibay mong bisig ay bukas
May isang libo’t isang paraan, sa harap ng mga balakid
Ilang ulit nang nakatawid
Gumabay upang makalagpas

Sa gitna ng mga hamon
‘Di nasasairan ang iyong balon
Bukal ng pag-asa, buhay habampanahon
Iyong tanaw, saan aabot? Ba’y do-on!

Mamamayan ay magiliw na kaulayaw
Unang tinatanong, “Nandiyan ba ang malaking tao?”
Sa tatag mo, sila’y sumasaludo
Tiyak ngayo’y may pighati sa iyong pagpanaw

Unang labanan iyon
Na ‘di na narinig
Ang boses mong tumataginting
Iyo na palang pagkasawi,
kumander naming magiting
Ngunit sa aming isip mananatili,
alingawngaw ng iyong tinig
Paalam, Bai Ting Ting.

The post Pinakamataas na pagpupugay at Pulang saludo kay Jordan “Ka Boyong” Mopon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.