Mariing kinundena ng mga magsasaka ang panggigipit at pamimilit ng Quezon City Police District na baklasin ang kanilang mapayapang kampuhan bago mag-8:00 ng gabi ngayong araw, Oktubre 16. Sa kabila ng naunang kasunduan ng mga magsasaka at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagpahintulot ng kanilang kampuhan.
Ginamit na dahilan ng mga pulis ang masikip na bangketa at trapiko para bigyag katwiran ang pagtataboy. Bago nito, minanmanan na ng pulis at mga ahenteng paniktik ang mga aktibidad ng kampuhan at mga kalahok dito. Kumuha ang sila ng mga litrato at bidyo at nagtayo pa ng police outpost ilang hakbang mula sa kampunhan.
Humigit-kumulang 200 magsasaka at kanilang mga tagasuporta mula sa Bicol, Negros, Nueva Ecija, at Bulacan ang kalahok ng kampuhan. Tinawag itong Kampuhang Magbubukid para sa Tunay na Reporma sa Lupa at paglaban sa imperyalistang atake at pandarambong ng rehimeng US-Marcos sa mga magsasaka at mamamayan. Pinangunahan ito ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Layunin ng kampuhan na tutulan ang mga mapanirang proyekto sa kalikasan, pagmimina, at mga patakarang nagbabanta sa kabuhayan ng mga magsasaka. Nakatakda itong magtapos sa Oktubre 21.
“Kung ano ang ginagawang pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubong apektado ng mga mapanirang proyekto gaya ng solar at wind farms, mga dambuhalang pagmimina at iba pa, ganun din ang ginagawa sa Kampuhang Magbubukid na nagtatanggol sa mga lupang sakahan at kalikasan. Pinapalayas na sa kanayunan, tinataboy pa rin dito sa kalunsuran!” pahayag ng KMP.
Samantala, naglunsad ng pagkilos ang kababaihang magsasaka na kalahok ng kampuhan sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong Oktubre 15 bilang paggunita sa International Rural Women’s Day. Iginiit nila ang tunay na reporma sa lupa at pananagutan sa gubyerno sa lumalalang krisis sa agrikultura.
Nakiisa sa naturang pagkilos ang mga magbubukid mula sa Bulacan, kasama ang iba pang grupo mula Bicol, Zambales, Laguna, at Cavite. Binatikos nila ang patuloy na kawalan ng lupa at ang kabiguan ng mga programa sa reporma sa lupa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr, lalo na sa gitna ng banta ng El Niño sa seguridad sa pagkain.
“Hanggang ngayon, nananatiling mailap ang tunay na reporma sa lupa para sa aming mga kababaihang magsasaka na siyang nagtataguyod sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino,” ayon kay Elena Gomez, isang lider-kababaihan mula sa Bulacan. “Kulang na nga ang suporta sa produksyon, lugmok pa kami sa epekto ng krisis at kawalan ng sariling lupang tinitirhan at binubungkal.”
The post Pagpabaklas sa kampuhan ng magsasaka, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

