Kinundena ng Migrante International ang pangmamaliit ng administrasyon Marcos Jr sa lumalalang gera sa Middle East at ang kawalang aksyon nito para protektahan ang mga migranteng Pilipino sa rehiyon. Hindi bababa sa pitong migranteng Pilipino ang nasugatan sa naganap na pambobomba sa mga paliparan sa Saudi.

Mula Oktubre 6 hanggang 12, naglunsad ng serye ng pag-atake gamit ang ballistic missile at drone ang grupong Houthi ng Yemen sa tatlong paliparan sa Saudi Arabia. Kabilang dito King Khalid International Airport sa Riyadh na ikinamatay ng hindi bababa sa 20 katao at ikinasugat ng mahigit 370 iba pa. Ito ang tinaguriang pinakamalagim na atake sa mga bansa sa Gulf Arab mula nang magsimula ang gera sa Iran.

Ayon sa Migrante International, malinaw ang kapabayaan at kawalan ng malinaw na plano ng rehimeng Marcos na nagsasapanganib sa kaligatasan at buhay ng nasa tatlong milyong migranteng Pilipino sa rehiyon. “Malinaw na handang isugal ng gobyerno ni [Marcos] ang buhay at kaligtasan ng ating mga migranteng manggagawa kapalit ng bilyun-bilyong halaga mula sa remitans at panghuhuthot nito sa pawis at dugo nila,” pahayag ni Josie Pingkian, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Migrante International.

“Hindi pagbuhos ng ayuda ang solusyon, kundi pangmatagalang nakabubuhay na trabaho sa sarili nating bansa na mayroong sapat na benepisyo at proteksyon para hindi na mapilitang sumuong sa mapanganib na mga lugar sa ibayong dagat,” ayon kay Pingkian.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit dalawang milyong migranteng manggagawang Pilipino ang nanatili sa Middle East kung saan 800,000 dito ay nasa Saudi Arabia. Mahigit 12,000 Pilipino ang nakauwi na mula sa Middle East sa nagdaang pitong buwan.

The post Pangmamaliit ng gubyerno sa umiigting na gera sa Middle East, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.