Kinundena ng Courage (Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees) ang panggigipit ng National Housing Authority (NHA) sa pangulo ng Consolidated Union of Employees (CUE)-NHA na si Dianne Masangkay. Si Masangkay ay arbitraryong inilipat ng trabaho mula sa upisina sa Metro Manila tungong Northern Luzon matapos magpahayag ng kahingian ng mga empleyado.

Ayon sa Courage, ang ginawang paglilipat sa trabaho kay Masangkay ay isang mapaghiganting hakbang. “Isa itong malinaw na uri ng panggigipit at constructive dismissal na sadyang idinisenyong takutin at patahimikin kapwa si Masangkay at ang buong unyon,” ayon sa grupo.

Naniniwala ang Courage na ang taktika ng panggigipit kay Masangkay ay kadugtong ng pamilyar nang takikta at padron para buwagin ang unyon. “Buong-puso tayong nakikiisa sa kanya upang ipagtanggol ang kanyang mga karapatan at pigilan ang pagpapahina sa CUE-NHA,” anito.

Nanawagan ang Courage sa pamunuan ng NHA at iba pang ahensya ng gubyerno na may gampaning oversight na igalang ang karapatan ni Masangkay at ng buong CUE-NHA. Nagsumite na ng upisyal na apela si Masangkay sa pamunuan ng NHA kaugnay ng desisyong ilipat siya ng trabaho.

Pag-uulit ng Courage, ang unyonismo sa pampublikong sektor ay isang batayang karapatan na pinuprotektahan ng Konstitusyon ng Pilipinas, mga patakaran sa civil service at ng mga internasyunal na kasunduan sa paggawa. “Umiiral ang mga unyon para ipagtanggol ang kagalingan ng mga manggagawa, pataasin ang moral, paunlarin ang serbisyong panlipunan, at magsilbing mahalagang check-and-balance laban sa mga pang-aabuso sa pamamahala,” ayon sa Courage.

Hinimok ng Courage ang mga unyon kapwa sa pampubliko at pribadong sektor na magkaisa at ipagtanggol ang mga manggagawa laban sa mga atake na nagbabantang pahinain ang unyonismo sa bansa. “Ang laban ng isa ay laban ng lahat!” anito.

The post Panggigipit sa lider-unyonista sa National Housing Authority, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.