Nagpetisyon ang mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Isabela sa pangunguna ng grupong Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela (Dagami) para igiit sa Department of Agriculture (DA)-Region 2 ang suporta sa gitna ng krisis na kanilang dinaranas. Isinumite ng grupo ang kanilang petisyon noong Oktubre 14.
Ayon sa Dagami, nagdurusa ang mga magsasaka sa prubinsya dahil sa masasamanng epekto ng tagtuyot bunga ng penomenong El Niño at mataas na presyo ng gasolina at input sa produksyon. “Dahil sa tikag [o tagtuyot], lumiit ang bilang ng mga ani kaya sumidhi ang pagkalugi naming mga magsasaka. Pinatindi pa ng pagtaas ng presyo ng langis ang kahirapan sa pagpapatubig ng aming mga sakahan,” ayon sa grupo.
Bago sumirit ang presyo ng krudo, karaniwang gumagastos ang mga magsasaka sa prubinsya ng ₱1,475 para sa 25 litro ng krudo para sa patubig sa isang ektaryang taniman. Sa kasalukuyan, gumagastos na ang mga magsasaka ng ₱2,475 para sa patubig. Sa tagtuyot at kawalan ng sapat na patubig, bumaba ang ani ng mga magsasaka. Mula sa dating 120 sakong inaani sa kada ektarya, apat na sako na lamang ang kanilang nakukuha.
“Dagdag pa dito ang nagpapatuloy na mababang presyo ng aming produkto na lalong nagpalugi sa amin,” ayon sa Dagami. Ang presyo ng mais ay nanatiling ₱14/kilo hanggang ₱16/kilo kapag skin-dried habang nasa ₱17/kilo hanggang ₱20/kilo ang sundried. Samantala, ang presyo ng palay ay nasa ₱17/kilo-₱19/kilo kapag sariwa.
Kawalang trabaho naman ang kinahaharap ng mga manggagawang-bukid sa prubinsya dahil sa patay na panahon ng pagtatanim. “Kaya’t hirap silang makahanap ng pantustos sa pang araw-araw na pangangailangan,” ayon sa Dagami. Nagbubunga ito ng kagutuman at hindi maayos na nutrisyon sa mga magsasaka laluna sa mga bata at matanda.
Inihapag ng Dagami sa DA-Region 2 ang tatlong kagyat na kahingian para sa karapatan at kagalingan ng sektor. Panawagan nila ang pagbibigay ng subsidyo sa bigas para sa mga magsasaka at mga manggagawang bukid; subsidyo sa krudo para sa patubig ng mga magsasaka at gastusin ng mga manggagawang bukid sa transportasyon papunta sa mga sakahan at bukirin; at agarang pamamahagi ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk (PAFF) sa mga hindi pa nabibigyan.
Ang petisyon ay inihapag ng Dagami isang araw matapos ang pamamahagi ng tulong pinansyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Cagayan Valley sa 10,258 magsasaka sa Isabela. Binigyan ang mga magsasaka ng kakarampot na ₱5,250 sa ilalim ng programamg Emergency Cash Transfer (ECT) sa gitna ng tagtuyot. Limitado lamang ang inabot ng tulong ng gubyerno.
Sa konserbatibong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Oktubre 14, umabot na sa 451,899 ang napinsala ng tagtuyot bunga ng El Niño sa Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, at Caraga. Tinatayang umabot na sa ₱6.5 milyon ang danyos sa agrikultura.
The post Mga magsasaka ng Isabela, nagpetisyon para sa suporta sa gitna ng krisis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

