Kung makapamintang si Philbert Tan, alkalde ng Las Navas, Northern Samar, ng extortion (pangingikil) kasunod ng mga napabalitang labanan sa pagitan ng pasistang militar at New People’s Army (NPA) sa bayang kanyang sinasakupan, ay parang napakalinis ng ilang dekadang pamumuno niya at ng kanyang angkan. Ang totoo, labis-labis silang nakinabang sa kanilang pwesto at pangungurakot sa pondo ng bayan, habang nananatili sa lusak ng kahirapan ang ordinaryong mamamayan.
Dapat ipaliwanag ni Philbert sa mamamayan ang ₱67.5 milyong halaga ng mga proyekto ng munisipyo, karamihan sa imprastruktura, na pinuna ng Commission on Audit noong 2024 dahil sa kwestyunableng implementasyon. Dapat din niyang ipaliwanag kung saan napunta ang hindi bababa sa ₱119 milyon sa ilalim ng Support to Barangay Development Program ng National Task Force-Elcac na inilagak sa 35 ng 53 barangays noong 2021-2024.
Dapat din siyang magpaliwanag tungkol sa palpak at hindi tapos na irigasyon sa ilalim ng Help for Catubig Agricultural Advancement Project (HCAAP). Noong 2001 pa inilabas ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang pautang na Yen3.924 milyon kung saan binahaginan ang munisipalidad ng Las Navas bilang isa sa mga “benepisyaryo” ng programa. Liban sa irigasyon, sinaklaw din ng programa ang mga national road, “farm-to-pocket road,” daungan, at serbisyong tubig. Ngunit mismong JICA ang nagsabing “hindi katanggap-tanggap” ang kabuuang resulta ng HCAAP. Natagpuan naman ng isang hiwalay na pag-aaral na iilang panginoong maylupa at negosyante lamang ang nakinabang sa proyekto.
Dapat ding magpaliwanag si Philbert kung paano nakikinabang ang kanyang tiyahin sa akses ng munisipyo sa bultong pagbili ng murang gamot para ibenta sa mas mataas na presyo. Bakit hindi rin siya maglinaw tungkol sa conflict of interest nila ng kanyang tiyuhin na si Don Jose, na nagpapautang sa mga magsasaka sa mataas na porsyento at sinasanglaan ng honorarium ng mga barangay official at ATM card ng mga pampublikong guro? Ginawa nilang kalakaran ang pakikipagsabwatan sa munisipal at mga barangay treasurer para otomatikong bawasan ang mga honorarium at makuha ni Don Jose ang kanyang bahagi. Conflict of interest din kung maituturing ang pagkopo ng pamilya Tan sa negosyo ng pagbili ng abaka at kopras sa bayan.
Burukrata kapitalista na nga, ipokrito pa si Philbert Tan. Ginagamit niya at ng kanilang pamilya ang pusisyon sa reaksyunaryong estado bilang ligal na tabing sa sistematiko at “ligalisadong” pangingikil sa mamamayan, pagbubulsa ng pampublikong pondo, para sa huli ay makapagpayaman ng sarili. Kinakatawan nila ang napakabaho at nabubulok na sakit ng burukrata kapitalismo sa sistemang malakolonyal at malapyudal.
Pahirap na nga, tuta pa sila ng militar. Itinaguyod ng mga Tan ang mga pasistang patakaran ng pamamaslang, pambobomba, at panggigipit sa mamamayang Las Navasnon, hanggang sa 4,000 pamilya o 22,000 indibidwal ang naisailalim sa paghaharing militar noong 2018-2025. Sunud-sunuran sa 8th Infantry Division sina Philbert at ang mga kapamilya niyang naging alkalde rin gayong hindi bababa sa apat na beses na isinagawa ng militar ang aerial bombing sa mga sakahan sa Las Navas mula 2019.
Ang mga pahirap, kurakot at pasistang pulitiko na tulad ng dinastiyang Tan ay dapat pinatatalsik sa pwesto. Ang mga tulad nila ang nagbibigay-tuwid sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka na isinusulong ng NPA. Ito ang armadong paglaban na, taliwas sa mga paratang ng 8th ID at ng mga Tan bilang “extortion,” ay bukal sa loob na sinusuportahan ng mamamayang Las Navasnon at Nortehanon nang sa gayon ay mabuwag ang reaksyunaryong estado at maitayo Demokratikong Gubyernong Bayan.
The post Tugon ng NDF-EV kay Las Navas mayor Tan: Sino ang tunay na extortionist? appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

